ARESTADO ang isang dating AFP reservist makaraang mahulihan ng baril nang tutukan ang ilang awtoridad na nagsasagawa ng inventory sa buy-bust operation, nang mapagkamalang mga tambay sa Dasmariñas City, Cavite noong Martes ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang naarestong suspek na si alyas “Raymart”.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng inventory operation sa isang buy-bust operation ang personnel ng Dasmariñas CPS Intel Operatives bandang alas-3:00 ng madaling araw sa Barangay Paliparan 3, Dasmariñas City, nang dumating ang suspek at umihi sa gilid.
Napansin niyang may ilang kalalakihan sa lugar na inakala niyang mga tambay dahilan upang maglabas ito ng baril, ikinasa sa harapan ng Intel officers na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Kinumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang kalibre 9mm Llama Max, isang 9mm Parabellum C/F, Gabilondo Y CIA Vitoria Espania, isang magazine ng 9mm at dalawang piraso ng ID na isang driver’s license at expired na AFP Reservist ID.
(SIGFRED ADSUARA)
126 