ADIONG DINIPENSAHAN ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY BILL

MARIING pinabulaanan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang mga puna na “watered down” o pinalabnaw ang inaprubahang Anti-Political Dynasty Bill ng Kamara.

Ayon kay Adiong, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, direktang tinatarget ng panukala ang monopolyo ng kapangyarihang pampulitika habang pinoprotektahan pa rin ang demokratikong karapatan ng mga botante.

“On the contrary, it actually addresses the very core problem of the monopoly of power exercised by one family within one locality,” ani Adiong.

Noong Hunyo 3, ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill No. 8389 o ang panukalang Anti-Political Dynasty Act.

Sa ilalim ng panukala, itinuturing na political dynasty ang konsentrasyon ng elective political power sa pagitan ng mag-asawa o magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity.

Ipinagbabawal sa kanila ang sabay na pagtakbo o paghawak ng posisyon sa iisang hurisdiksyon o legislative district.

Ipinaliwanag ni Adiong na layunin ng panukala na buwagin ang matagal nang kontrol ng iisang pamilya sa isang lokalidad.

“In fact, the proposed anti-political dynasty bill will already affect more than a thousand current positions occupied by families or relatives within second degree of consanguinity,” aniya.

Ayon pa sa mambabatas, nasa 1,700 municipal executive positions ang maaaring maapektuhan kapag naisabatas ang panukala.

Binigyang-diin din niya na kailangang balansehin ang pagbabawal sa political dynasties at ang karapatan ng publiko na pumili ng kanilang mga lider.

Dagdag pa niya, isinasaalang-alang din sa panukala ang mga probisyon ng Konstitusyon at mga pandaigdigang kasunduan ukol sa karapatang sibil at pampulitika.

Nilinaw ni Adiong na kinonsulta rin ng Kamara ang ilan sa framers ng 1987 Constitution bago tuluyang mabuo ang panukalang batas.

(TINA MENDOZA)

99

Related posts

Leave a Comment