ANG TAPANG AY HINDI DAPAT IBINABASE SA KAMAO

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAY isang bagay na matagal ko nang hindi maintindihan. Bakit sa tuwing may gulo, laging may mga taong naniniwalang ang pinakamatapang ay ang pinakahanda sa suntukan?

Para bang ang lakas ng loob ay nasusukat sa lakas ng kamao. Kapag lumaban ka, matapang ka. Kapag gumanti ka, matapang ka. Kapag umatras ka, mahina ka.

Sa tingin ko, baligtad ang pagtinging iyan.

Mas madaling magalit kaysa magpigil. Mas madaling sumigaw kaysa manahimik. Mas madaling gumanti kaysa umiwas. Hindi kailangan ng matinding disiplina para magpadala sa bugso ng damdamin. Ang tunay na pagsubok ay kung kaya mong kontrolin ang sarili mo kahit may dahilan kang magalit.

Ito ang naisip ko nang maging usap-usapan ang viral na insidente ng dalawang siklista sa SM Mall of Asia. Hindi ang kaguluhan ang tumatak sa akin. Hindi rin ang mga sigawan o batuhan ng akusasyon online. Ang tumatak sa akin ay ang simpleng pagpili ng isang tao na huwag magdagdag pa ng gulo sa isang magulong sitwasyon.

Nakapagtataka rin kung gaano kabilis magbago ang ihip ng hangin kapag may camera na at kapag umabot na sa publiko ang isang pangyayari. Habang wala pang nakakikita, buo ang loob. Habang walang nananagot, buo ang tapang. Ngunit kapag nagsimula nang umikot ang mga video at dumating ang batikos, saka lumalabas ang samu’t saring paliwanag.

Hindi ko minamaliit ang mga taong may pinagdaraanan. Totoong may mga laban na hindi nakikita ng iba. Ngunit iba ang pag-unawa sa isang tao at iba ang pagdadahilan para sa isang mali. Kaya naiintindihan ko rin kung bakit marami ang nainis sa mga pagtatangkang ilihis ang usapan. Para sa akin, hindi ito tungkol sa kung anong dahilan ang maaaring ibigay pagkatapos. Ang tanong ay mas simple: kaya bang akuin ang sariling pagkakamali?

Napansin ko rin na tila unti-unti nang nawawala ang pagpapahalaga sa pagpipigil sa sarili.

Kapag tahimik ka, mahina ka raw. Kapag hindi ka pumatol, duwag ka raw. Kapag hindi mo ipinakita ang galit mo, para bang talo ka na agad. Ngunit kung susuriin, ang taong hindi kayang kontrolin ang sarili ang mas madaling matangay ng sitwasyon.

Hindi ko nakikita ang tapang sa taong pinakamalakas ang sigaw o pinakamabilis ang kamao. Nakikita ko ito sa taong marunong huminto kapag maaari namang lumaban.

Nakikita ko ito sa taong marunong umako ng pagkakamali kapag siya ang nagkamali. At nakikita ko ito sa taong kayang pigilan ang sarili kahit alam niyang may pagkakataon siyang gumanti. Sa panahon na napakaraming gustong magmukhang matapang, baka iyon ang uri ng tapang na mas dapat hinahangaan.

96

Related posts

Leave a Comment