PINASALAMATAN ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Nicolas Torre III sa nakalap nitong donasyong mahigit P16 milyon mula sa inilunsad na “Boxing for a Cause: Laban sa Nasalanta” na ginanap sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila.
Inihayag ni DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita na si Irene Dumlao, ang nasabing halaga ay makatutulong sa milyun-milyong kababayan na nasalanta ng Southwest monsoon o Habagat at tatlong magkakasunod na bagyo.
Nabatid na ang boxing match, na inorganisa ng PNP na pinagwagian ni Gen. Torre sa pamamagitan ng “win by default”, ay nakalikom ng mahigit P300,000 mula sa takilya at karagdagang P16 milyong donasyon mula sa ilang kumpanya.
Samantala, umabot na sa P400,377,483.42 ang halaga na ipinagkaloob na tulong sa mga apektadong pamilya dahil sa nagdaang bagyong Crising, Dante at Emong na pinalala pa ng umiiral na Southwest monsoon o Habagat.
Nabatid na may P3,197,024,420.70 ang naka-preposition na relief standby funds at stockpile mula sa DSWD at Office of Civil Defense. (JESSE RUIZ)
225 