SAPUL sa mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagnanakaw sa pondo para sa flood control project.
“Mahiya naman kayo,” banat ni Marcos sa mga nangungupit sa pondo ng mga proyekto ng gobyerno tulad ng flood control na naging dahilan kaya lumubog sa baha sa mga nagdaang bagyo ang maraming lugar partikular sa Luzon.
Bago natapos ang kanyang talumpati sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Marcos na personal niyang ininspeksyon ang mga flood control project na sinisi ng mga tao sa matinding pagbaha.
“Kitang-kita ko na maraming proyekto sa flood control ay palpak at gumuho at ‘yung iba guni-guni lang. Huwag na tayong magkunwari, alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiatives, mga rata, mga SOP, for the boys,” ani Marcos.
“Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino. Mahiya naman kayo sa mga kabayan na naanod o nalunod sa mga pagbaha, mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang sa ginawa ninyo na binulsa niyo lang ang pera,” dagdag pa nito.
Upang hindi na aniya ito maulit, inatasan niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng mga listahan ng flood control projects na sinimulan at natapos sa nakaraang tatlong taon.
Rerebyuhin umano ng Regional committee ang listahan ng mga proyektong isusumite ng DPWH at kapag napatunayan na ang mga ito ay palpak, hindi natapos at ghost projects lamang ay isasapubliko ito.
“Sa mga susunod na buwan makakasuhan ang mga lalabas na may sala mula sa imbestigasyon pati na ang mga kasabwat na mga kontratista sa buong bansa. Kailangan malaman ng taumbayan ang buong katotohanan, kailangan na may managot sa matinding pinsala at katiwalian,” ani Marcos.
Bilang simula, sinabi ni Marcos na hindi papayagan na baguhin sa Kongreso ang 2026 national budget at mas nanaisin nito na magkaroon ng reenacted budget kaysa gamitin sa ibang bagay ang mga pondong nakalaan na sa programa ng national government.
“Hindi ko aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino,” ayon pa kay Marcos.
Subalit kung si Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang tatanungin, hindi aniya sapat na rebyuhin lamang ang mga flood control project para matapos na ang katiwalian sa mga proyektong ito.
“Let’s institutionalize corruption control,” ani Diokno kung saan idinagdag nito na “sa pagbantay ng katiwalian, kasama dapat ang taong-bayan. Panahon na para sa Transparent Bicameral Committee”.
Dahil dito, kailangan aniyang amyendahan ang Rules ng Kamara at Senado para payagan ang media at publiko na masubaybayan at masuri ang bicam proceedings kung saan kadalasan dito isinisingit ang mga ang aniya’y overpriced “flood control” projects at iba pang kababalaghan. (BERNARD TAGUINOD)
291 