SINAMPAHAN na ng patong-patong na kaso ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang 12 pulis na isinasangkot sa missing sabungeros.
Kabilang sa sinampahan ng kaso ang tatlong opisyal at siyam na non-commissioned officers.
Dahil dito, gugulong na ang kasong administratibo laban sa mga pulis makaraang makitaan ng probable cause ang testimonya ni Julie Patidongan.
Partikular dito ang pahayag ni Patidongan na may partisipasyon ng mga pulis sa pagdukot, pagpatay at paglibing sa Taal Lake sa nawawalang sabungeros.
Isiniwalat naman ni Vice Chairman at Executive Officer Rafael Vicente R. Calinisan, may dalawang grupo umano ang nagtangka na aregluhin ang kaso.
Hindi naman ito pinangalanan ni Calinisan, pero isang bossing ng sabong daw ang tumawag sa kanya para hilingin na tulungan sila sa kaso.
Samantala, tuluyan nang ipinasibak sa pwesto ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang isang ‘Service Commander’ ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa isyu ng pagkawala ng mga sabungero.
Ito ang kinumpirma mismo ni Secretary Remulla kasunod ng kanyang rekomendasyon kay PNP chief, General Nicolas Torre III, at sinabing may hindi tamang kilos siyang nakikita sa opisyal.
Paliwanag ng kalihim, ang ‘kawalan ng tiwala’ sa imbestigasyon ang dahilan ng pagsibak. (TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
149 