PANSAMANTALANG nanunuluyan sa mga makeshift tent na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development, ang 100 pamilya na naapektuhan sa malaking sunog na tumupok sa 30 kabahayan sa Tondo, Maynila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, umabot sa ikatlong alarma ang sunog na nangyari bandang alas-3:00 ng madaling araw nitong Martes sa Barangay 93, Zone 8 sa Tondo.
Naging pahirapan umano ang pag-apula sa apoy kaya umabot ng halos apat na oras bago idineklarang fire-out ang nasabing sunog dahil sa bukod sa masikip ang mga daanan, karamihan sa mga bahay ay gawa sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy bunsod ng malakas na hangin.
“Yun po, ‘yung hangin po malakas, then, light materials po siya. ‘Yan po naging challenge sa atin,” sabi ni Fire Sr. Insp. Ronald Lim, Station 1 commander, BFP Manila.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, aabot sa 100 pamilya ang apektado ng sunog na umabot sa ikatlong alarma bago nakontrol ng 50 mga bumbero mula sa BFP at fire volunteers.
Sa rami ng bumbero, naging pahirapan pa rin ang pag-apula sa sunog, ayon kay Fire Sr. Insp. Lim.
Ayon sa mga nasunugan, halos wala silang naisalbang gamit sa pagmamadaling makaalis sa nasusunog na mga bahay kaya pansamantalang nanunuluyan sila ngayon sa covered court ng barangay.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, sa ikalawang palapag ng isang bahay nagsimula ang sunog na posibleng sanhi ng faulty electrical wiring.
Wala namang iniulat na nawawala, namatay, o nasugatan sa nangyaring sunog na tinatayang aabot sa mahigit P100,000.00 ang naging danyos. (JESSE RUIZ)
214 