PAGKALIKOT NG ‘SMALL COMMITTEE’ SA 2025 BUDGET PINAHIHIMAY

KUNG seryoso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na imbestigahan ang kalokohan sa flood control projects ay dapat simulan ito sa small committee sa 2025 national budget.

Pahayag ito ni Navotas Rep. Toby Tiangco kasabay ng hamon sa bagong chairman ng House committee on appropriations na si Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na isapubliko ang mga amendment na ginawa ng small committee sa pambansang pondo ngayong taon kung talagang seryoso ito sa transparency at accountability.

“Now, to show good faith, ipalabas nila kay Cong. Zaldy Co, who was the chairman of the committee on appropriations at that time, yong amendments done by the small committee for the 2025 budget. Kung hindi nila ilalabas ‘yan, lokohan lang ito,” ani Tiangco.

Si Co ay dating chairman ng nasabing komite na ayon kay Tiangco, pinangunahan ang small committee na binubuo kung saan mayroon itong kasamang 3 pang piling miyembro ng Kapulungan.

Hindi umano maaaring kalimutan o palagpasin ang ginawa ng small committee sa 2025 national budget bagkus ay dapat alamin ang mga pagbabagong ginawa ng mga ito lalo na sa mga pondo ng flood control projects.

“Kung gusto nila ng imbestigasyon sa kalokohan sa Flood Control Projects, dito dapat magsimula sa pagtingin ng amendments na ginawa ng small committee for the 2025 Budget. Otherwise, this announcement is just a cover-up for what could be the most corrupt budget in history,” paliwanag pa ni Tiangco.

Magugunita na pinag-initan ni Marcos ang flood control projects matapos lumubog ang maraming lugar sa bansa kabilang na ang Metro Manila dahil sa mga nagdaang bagyong Crising, Dante at Emong.

Dahil dito, inutos ni Marcos ang masusing imbestigasyon para panagutin ang mga nagnanakaw umano ng pondo ng nasabing proyekto na bukod sa madaling masira ay ‘yung iba ghost projects.

“Hindi ba obvious na kami ‘yung sinabihan ng ‘mahiya kayo’? Kaya nga ako ang unang nag-standing ovation dahil alam kong kami ‘yon, and finally, those responsible would be held accountable,” dagdag pa ng kongresista.

Samantala, pinasalamatan ni Tiangco si Suansing matapos ikonsidera ang kanyang mungkahi ng buwagin ang small committee na papalitan ng subcommittee na siyang magre-review sa amendment sa pambansang pondo.

Iginiit ng mambabatas na lahat ng individual amendments ay dapat isagawa sa plenaryo bago aprubahan ang General Appropriations Bill (GAB) sa ikalawang pagbasa upang makita ng taumbayan.

“Dapat mag-commit sila na lahat ng individual amendments ay gagawin sa plenaryo para talagang kita ng lahat kung ano ang mga pagbabago sa proposed budget. Hindi na uubra yung excuse na sobrang dami ng line items. Kung marami talaga, then we must work overtime. If we can do it for all other bills, why can’t we do it for the most important bill we pass each year? Trabaho namin ‘yan. Kahit gaano kahirap, dapat naming gampanan. No ifs and buts,” ani Tiangco.

(BERNARD TAGUINOD)

216

Related posts

Leave a Comment