LANAO DEL SUR – Binaril sa ulo ng isang estudyante ang kanyang guro nang ibagsak siya nito sa isang subject, sa loob ng campus ng Balabagan Trade School sa Barangay Narra, sa bayan ng Balabagan
Ayon sa ulat ng pulisya, binaril sa ulo si Danilo Barba, 34-anyos, ng kanyang estudyante na si alyas “Juan”, 20-anyos na Grade 11 student, dahil lamang sa hindi nito pagpasa sa isang subject.
Ayon sa Balabagan Municipal Police Station, inako ng suspek ang pagpaslang sa kanyang guro bunsod ng matinding galit sa ibinigay na failing grade.
Subalit nabatid na hindi lamang ang biktima ang nagbigay sa kanya ng bagsak na grado dahil may ibang subject din na siya ay bumagsak.
Papasok umano si campus si Barba nang harangin siya ng suspek at binaril sa ulo gamit ang isang kalibre .45 na pistola, na naging sanhi ng daglian nitong kamatayan.
Matapos ang krimen, nagtago ang suspek sa kanilang mga kamag-anak sa Marogong. Ngunit sa tulong ng kanyang kapatid na isang pulis, kusang loob siyang sumuko sa mga awtoridad kinabukasan.
(JESSE RUIZ)
