OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG bagong kaso ng umano’y paglabag sa kontrata ang idinulog sa OFW JUAN kaugnay sa ating kababayan na si Leonecel Hongoy Vallespin, 24-taong gulang, tubong Guihulngan City, Negros Oriental at kasalukuyang nakatalaga sa Tabuk, Saudi Arabia.
Ayon sa salaysay ng mga kaanak, si Vallespin ay nakaranas ng malinaw na contract violations kabilang na ang mababang pasahod na 1,000 SAR, pagdadala sa kanya upang magtrabaho sa iba’t ibang bahay, at kawalan ng sapat na pahinga. Sa loob ng ilang buwan ay dumanas siya ng sobrang pagod, kakulangan sa pagkain, at madalas pang pagsabihan ng kanyang amo na hindi maganda ang kanyang trabaho.
Noong Agosto 15, 2025, napilitan na siyang tumigil sa pagtatrabaho matapos hindi na kayanin ang labis na pang-aabuso. Sa huling pag-uusap nila, sinabi ng pamilya na halos hindi na siya makakain at makainom dahil ikinulong na lamang siya sa kanyang silid. Kasunod nito ay hindi na siya muling nakontak ng kanyang mga kaanak.
Matapos natin matanggap ang sumbong na ito, agad kong ipinadala ang reklamo sa Department of Migrant Workers (DMW), sa pamumuno ni Director Charles Tabbu at sa OWWA sa tulong ni Atty. She Malinzo. Dahil dito, mabilis na nabigyan ng aksyon ang kaso at agad na inihatid si Vallespin sa paliparan patungong Riyadh upang isagawa ang kanyang repatriation.
Inaasahan na sa susunod na mga araw ay makauuwi na siya sa Pilipinas at muling makakapiling ang kanyang pamilya.
Ang kasong ito ay patuloy na nagpapaalala na kailangan pang paigtingin ang pagbabantay sa kalagayan ng overseas Filipino workers, lalo na yaong nakararanas ng pang-aabuso, paglabag sa kontrata, at hindi makataong trato mula sa kanilang employer.
119 