ILANG aftershocks na ang naramdaman kasunod ng magnitude 5.1 earthquake na yumanig sa Batangas at naramdaman hanggang Metro Manila nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, inaasahan na posibleng magkaroon ng aftershocks at mga pinsala bunsod ng lindol na tumama sa lalawigan ng Batangas.
Ayon sa ulat ng Phivolcs na ipinarating sa Office of Civil Defense nitong Miyerkoles ng umaga, may 14 aftershocks na ang naitala subalit mahihina lamang umano ang mga ito.
Natukoy ang epicenter ng lindol may dalawang kilometro sa hilagang Silangan ng Calaca, Batangas na naitala bandang alas-12:43 ng madaling araw at itinuturing na isang “strong quake”.
Habang Intensity IV, o “moderately strong quake” ang naramdaman sa Muntinlupa City.
Ang lakas ng lindol ay ibinabase sa naranasang pag-uga ng lupa na iniulat ng mga tao batay sa Phivolcs Earthquake Intensity Scale.
Ramdam din ang Intensity IV sa Alitagtag, Cuenca, Batangas; City of Tagaytay, Cavite; ramdam din ang lindol sa ilang bayan sa Cavite at Laguna, maging sa ilang area sa Metro Manila.
Pinag-iingat ng OCD ang mamamayan sa posibleng malakas na aftershocks, at pinsala sa mga ari-arian.
(JESSE RUIZ)
142 