NANGUNGUNANG sanhi ng pagkamatay sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) ang heart attack, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Batay sa datos mula 2022 hanggang 2025, umabot ang kaso ng heart attack sa persons deprived of liberty (PDLs) sa 445, mas mataas pa kaysa sa tuberculosis (TB) na may 59 lamang.
Ayon kay BuCor Health and Welfare Services Director Ma. Cecilia Villanueva, nananatiling seryosong banta ang TB dahil sa siksikan at mahinang bentilasyon sa mga kulungan, pero lumalabas na mas laganap ang respiratory diseases gaya ng pulmonya (234 kaso) at acute respiratory failure (71 kaso).
Bagama’t hindi pa rin nawawala ang TB, patuloy ang BuCor sa pagpapatupad ng mga programang kontra-TB katuwang ang DOH at iba pang ahensya.
Kabilang dito ang regular na screening, pagbibigay ng gamot, health education at active case finding.
Noong 2023, kinilala ang BuCor bilang top contributor sa TB case detection sa Muntinlupa.
Ang sampung pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga PDL ay kinabibilangan ng atake sa puso (445 kaso), pulmonya (234), acute respiratory failure (71), stroke (65), sakit sa bato (61),
tuberculosis o TB (59), electrolyte imbalance (43), sepsis (40), congestive heart failure (35) at anemia (19).
Dahil dito, patuloy ang ahensya sa pagpapaigting ng mga hakbang upang mapababa ang bilang ng mga namamatay sa loob ng kanilang mga pasilidad.
(JULIET PACOT)
84 