PNP 911 EMERGENCY HOTLINE PINALAKAS

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MALAKING tulong ang ginawa ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapalakas at pagpapalawak ng “DIAL 911 EMERGENCY HOTLINE” nila sa paglaban sa kriminalidad sa buong bansa.

Noong nakaraang Huwebes, Agosto 21, 2025, ipinakita ni PNP Command Center (PCC) chief, Colonel Ramon Pranada sa mga kagawad ng media ang opisina kung saan naroon ang “DIAL 911 EMERGENCY HOTLINE” sa Philippine National Police National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Nasaksihan natin kung gaano ka-epektibo ang emergency hotline na ito ng Pambansang Pulisya, dahil may direktang kontak ang mga pulis na nakatalaga sa iba’t ibang panig ng bansa, sa PNP National Headquarters na naka-live gamit ang kanilang cellphone.

Mismong si PNP chief, Gen. Nicolas Torre III ang nagpakita sa mga miyembro ng media kung paano direktang kontakin ng PCC ang mga kagawad ng pulisya na nakakalat sa buong bansa sa pamamagitan ng live video.

Ayon kay Torre, nagawan pa nila ng paraan na magamit ang mga lumang cellphone na may camera sa pagre-report nang live ng mga pulis na nakakalat sa buong bansa, sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Halos lahat ng mga pangyayari ay natatanggap ng mga operator ng “DIAL 911 EMERGENCY HOTLINE” tulad ng sunog, aksidente sa kalsada at pranks na kadalasan kagagawan ng mga bata.

Bagama’t para lang sa may kinalaman sa police matter ang “DIAL 911 EMERGENCY HOTLINE” ay tinatanggap na rin ng mga operator ang may kinalaman sa sunog, at mga aksidente sa kalsada subalit inire-report nila agad ito sa nararapat na mga ahensya ng gobyerno para mabigyan ng tulong ang nangangailangan.

Kasabay ng pagpapalakas at pagpapalawak ng “DIAL 911 EMERGENCY HOTLINE”, pinayuhan ng PNP ang mga magulang na gabayan nila ang kanilang mga anak at payuhan na iwasang paglaruan ang pagtawag sa nasabing hotline o iwasan ang prank calls.

Sinabi nina Col. Pranda at Gen. Torre, minsang may naglalaro lang na i-dial ang 911 at biglang nawawala ang ring.

Mas malaking tulong sa “DIAL 911 EMERGENCY HOTLINE” operators kung ang tumatawag sa kanila ay para lang talaga sa may kinalaman sa usapin ng pulisya.

Lalo na ngayon sa ipinatutupad na “PNP’s 5 Minute Response Time Enhanced by State-of-The-Art Command Center in Camp Crame.”

Sa loob ng 5 minuto, kinakailangan na agad marespondehan ng pulisya ang nangangailangan ng tulong na may kinalaman sa police matter, lalo na sa Metro Manila.

Iba na ang usapan kapag sa mga lalawigan dahil iniiwasan ng Pambansang Pulisya na mapahamak ang kanilang mga miyembro sa mga ambush mula sa makakaliwang grupo.

Ngayon ay pinaghahandaan ng PCC at “DIAL 911 EMERGENCY HOTLINE” sa pangunguna ni Col. Pranada, ang isasagawang 2025 Bangsamoro Parliament election sa Oktubre 13, 2025.

Matatandaang ipinagpaliban ang nasabing elections mula 2022 hanggang 2025 dahil sa COVID-19 pandemic.

Dahil sa implementasyon ng hotline na ito ng PNP ay tumaas ang tiwala ng publiko sa kanila. Good Luck PNP!

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.

153

Related posts

Leave a Comment