MAHALAGA ANG SUPORTA SA MGA SUNDALONG PINOY

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

TAMA lang na hindi natin nakalilimutan ang kabayanihan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea (WPS), na hindi alam kung ano ang mangyayari sa kanila sa kanila sa araw-araw na pagbabantay sa karagatan na pinag-iinteresan ng China.

Sa pinakahuling ulat, may umaaligid na namang Chinese Navy sa BRP Sierra Madre na tila gustong ipahiwatig ng mga ito na umalis na ang mga Pilipino sa karagatan na matagal na nilang inaangkin kahit na ideklara sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na ang WPS ay pag-aari ng Pilipinas.

Ipinipilit ng China na halos buong South China Sea (SCS) ay sakop ng kanilang “historical rights” batay sa tinawag nilang nine-dash line.

Kahit walang malinaw na legal na basehan sa modernong international law, ginagamit nila ito para sabihing kabilang ang Ayungin Shoal sa teritoryo nila.

Matatandaang noong 2016, naglabas ng pabor na desisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, na nagsasabing walang bisa ang nine-dash line ng China at ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Exclusive Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ngunit hanggang ngayon, hindi kinikilala ng China ang ruling na iyon at patuloy nilang inaangkin ang lugar.

Ang Ayungin Shoal ay malapit sa Mischief Reef, na nauna nang naokupahan at ginawang artificial island ng China.

Kapag tinanggap nila na pag-aari ng Pilipinas ang Ayungin, parang umamin na rin silang mali ang kanilang basehan sa ibang bahagi ng South China Sea — bagay na ayaw nilang mangyari.

Sa mga pahayag ng Beijing, tinatawag nilang “Ren’ai Jai” ang Ayungin at sinasabi nilang “sovereign territory” nila ito.

Dahil dito, binansagan nilang “illegal occupation” ang presensiya ng BRP Sierra Madre at ang pagpapadala ng suplay ng Pilipinas doon.

Hindi kinikilala ng China na pag-aari ng Pilipinas ang Ayungin Shoal dahil taliwas ito sa kanilang malawak at kontrobersyal na pag-aangkin sa South China Sea, na itinanggi ng international tribunal pero pinipilit pa rin nilang ipatupad.

Dahil sa paninindigang ito ng China, minu-minuto o oras-oras ay hindi alam ng mga sundalong Pinoy na nakatalaga sa BRP Sierra Madre, kung ano mangyayari sa kanila.

Malayo man sa kanila ang nakararaming mga Pilipino ay malaking bagay ang ating moral support, pagkain, gamot at iba pa na ibinibigay sa kanila.

Mas malaking suporta sa kanila kung magiging madalas ang pagpapatrulya ng mga barko ng Pilipinas sa lugar malapit sa kinalalagyan ng BRP Sierra Madre at malaking bagay rin sa mga Pilipinong mangingisda na madalas na nakararanas ng pangha-harass mula sa Chinese nationals na naroon sa lugar.

Mas makabubuti rin na lalo pang palakasin ng kasalukuyang administrasyon ang pwersang militar ng Pilipinas nang hindi tayo minamaliit ng mga bansa sa Asya tulad ng China.

Malaking tulong ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa buong mundo kung saan ay nagkakaroon ng Balikatan Exercises sa Pilipinas na dinadaluhan ng Japan, South Korea, Australia, United States at iba pa.

Kahapon sa pagdiriwang ng National Heroes Day, tama lang na papurihan natin ang kabayanihan ng mga sundalong Pinoy na naka-assign sa BRP Sierra Madre. Sila ay mistulang pader na humaharang para hindi makatawid ang mga dayuhan sa karagatan ng Pilipinas. Mabuhay ang mga sundalong Pinoy!

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

101

Related posts

Leave a Comment