NABITAG ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Sta. Mesa Police Station 8 ng Manila Police District, ang isang 49-anyos na target ng operasyon gayundin ang dalawang umano’y kasabwat nito kabilang ang isang 62-anyos na lola, sa ikinasang anti- illegal drug buy-bust operation nitong Huwebes ng madaling araw sa Barangay 592, Zone 58, Sta. Mesa, Manila.
Kinilala ang target ng operasyon na si alyas “Allan”, tubong Surigao Del Norte, at nanunuluyan sa Sta. Mesa.
Arestado rin ang dalawang umano’y kasabwat nito na sina alyas “Alfred”, 26, at “Lola Marilyn”, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Base sa ulat ni Police Captain Vergillo Enano, hepe ng SDEU, bandang alas-3:15 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nakumpiska mula sa mga suspek ang 2.6 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P17,680.00 ang halaga.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(RENE CRISOSTOMO)
41
