KASO NG MISSING SABUNGEROS PASOK SA EJK – SOLON

PASOK sa Extrajudicial killings (EJK) ang kaso ng mga nawawalang sabungero na sinimulang silipin ng House committee on human rights at nakatakdang isalang sa full blown investigation ng Quad Committee.

Ito ang nabatid kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa isang panayam kung saan nilinaw nito na hindi lamang ang mga biktima ng EJK sa war on drugs ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang pwedeng ipasok sa kategoryang ito.

“The means by which these people are being killed and murdered and disposed off, again that’s the classic case of EJK,” pahayag ni Adiong.

Ipinaliwanag ng mambabatas na tulad ng mga EJK victims sa war on drugs, ang mga nawawalang sabungero ay dinukot at pinatay ng mga miyembro ng miyembro ng Philippine National Police (PNP), base sa rebelasyon ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.

Maliban dito, walang naisampang kaso sa mga missing sabungeros subalit pinatay ang mga ito kaya maituturing aniyang isa itong uri ng EJK.

Samantala, sinabi ni ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio na posibleng sa Taal Lake din itinapon ang ibang nawawalang tao maliban sa mga sabungero na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ng kanilang mga kaanak.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos aminin ni PNP Forensic Group Director PBGen. Danilo Bacas sa nasabing komite na wala pang tumutugma sa mga narekober na mga buto sa Taal Lake sa DNA samples ng mga kaanak ng mga biktima.

Sa pagdinig ng komite, isiniwalat ng Department of Justice (DOJ) na 401 human skeletal bones ang naiahon sa Taal Lake, subalit sa 163 na idinaan sa cross matching sa DNA samples ng kaanak ng 29 sa 34 nawawalang sabungero ay walang tumugma.

Dito na umapela si Tinio sa PNP at DOJ na ituloy ang imbestigasyon dahil posibleng buto ito ng ibang biktima ng karumal-dumal ng krimen na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ng kanilang mga kaanak.

“Marami pang nawawala—hindi lang sabungeros, kundi mga aktibista at ordinaryong mamamayan na matagal nang hinahanap ng kanilang mga pamilya ang hustisya,” ayon sa mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

75

Related posts

Leave a Comment