WALA nang buhay nang matagpuan ang isang 38-anyos na lalaki na iginapos sa loob ng isang hotel sa Cubao, Quezon City noong Huwebes ng gabi, Agosto 28, 2025.
Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima na si Sisenando, binata at residente ng Concepcion, Marikina City.
Ayon sa ulat, alas-8:12 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Sisenando sa Room 310 ng CLIXS Hotel sa Annapolis Street, Barangay E. Rodriguez. Regular umanong kostumer ng hotel ang biktima at dumating ito noong Agosto 27 dakong alas-7:30 ng gabi kasama ang dalawang lalaki para mag-check-in.
Nang sumapit ang oras ng pag-check-out kinabukasan, sinubukan ng receptionist, room attendant at security guard na tawagan at katukin ang kuwarto, ngunit walang tugon. Nang buksan gamit ang duplicate key, tumambad ang bangkay ng biktima na nakagapos ang kamay at paa.
Sa isinagawang follow-up operation, agad na naaresto ng QCPD ang dalawang suspek na sina alias James, 20-anyos, residente ng Bulacan, na nadakip dakong 10:45 ng umaga sa harap ng isang fast-food chain sa Bagong Barrio, Caloocan City; at si alias Michael, 30-anyos, residente ng Pasay City, na nahuli naman sa Bulacan.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin ang motibo sa krimen.
(PAOLO SANTOS)
