LIQUOR BAN KASADO SA QUEZON CITY SA ARAW NG SONA 2026

MAHIGPIT na ipatutupad ng Quezon City Police District (QCPD) ang liquor ban sa buong Quezon City sa Lunes, Hulyo 27, mula madaling araw hanggang alas-6:00 ng gabi, kaugnay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay QCPD District Director Police Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, ipatutupad ang liquor ban alinsunod sa Executive Order No. 24, Series of 2026 na inilabas ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, na nag-uutos ng pagbabawal sa alak sa araw ng SONA.

Sa ilalim ng kautusan, ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi at pag-inom ng mga inuming nakalalasing sa loob ng lungsod sa itinakdang oras.

Layunin ng hakbang na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, matiyak ang kaligtasan ng publiko, at maiwasan ang anumang insidente na maaaring makaapekto sa seguridad sa panahon ng taunang talumpati ng Pangulo.

Pinayuhan ng QCPD ang lahat ng mga negosyo, nagtitinda ng alak, mga restaurant operator at ang publiko na mahigpit na sumunod sa direktiba.

Nagbabala rin ang pulisya na ang mga lalabag sa liquor ban ay papatawan ng kaukulang aksyon at maaaring managot sa ilalim ng umiiral na mga batas at lokal na ordinansa.

“Sa lahat ng QCitizens, please be guided by the ordinances implemented by the city government upang maiwasan ang anumang kaguluhan at maisakatuparan nang payapa, maayos, at ligtas ang magaganap na SONA 2026,” ani Police Brig. Gen. Silvio.

Hinimok din niya ang publiko na agad iulat sa 911 o QC Helpline 122 ang anumang paglabag o kahina-hinalang aktibidad.

(PAOLO SANTOS)

68

Related posts

Leave a Comment