MULING ginamitan ng water cannon at isinailalim sa mapanganib na pagmamaniobra ng China Coast Guard (CCG) ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng government mission para suportahan ang mga Pilipinong mangingisda malapit sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea, nitong Biyernes.
Ito ang panibagong insidente ng pangha-harass ng CCG, isang araw matapos ding gumamit ng water cannon laban sa mga sasakyang pandagat ng PCG at BFAR sa parehong lugar.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, muling binomba ng tubig at hinarang ng CCG ang mga barko ng Pilipinas habang nagsasagawa ng paghahatid ng krudo at iba pang suplay para sa mga mangingisda sa ilalim ng Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM) program sa paligid ng Bajo de Masinloc.
Bago mag-6:30 ng umaga, binomba ng tubig ng CCG vessel 3107 ang BRP Cape San Agustin habang nagpapatrolya ito at minamanmanan ng anim na barko ng China Coast Guard at ilang Chinese Maritime Militia vessels.
Makalipas ang halos isang oras, ginamitan din ng water cannon ng CCG vessel 21581 ang BRP Datu Paduhinog. Lumapit pa umano ang barko ng China sa layong pitong metro bago muling binomba ng tubig ang barko ng Pilipinas nang dalawang beses.
Ayon pa kay Tarriela, namataan din ang isang Chinese Maritime Militia vessel na humihila ng lubid sa likuran ng BRP Datu Sumakwel, habang binomba rin ng tubig ng CCG vessel 3303 ang BRP Datu Cabaylo bago mag-alas-9:00 ng umaga.
Sa kabila ng insidente, ligtas ang lahat ng tauhan ng PCG at BFAR at naipagpatuloy pa rin ang paghahatid ng suplay para sa mga Pilipinong mangingisda.
“Despite these illegal, coercive, aggressive, and deceptive (ICAD) actions, all PCG and DA-BFAR personnel are safe, and the vessels sustained their presence in the area in continued support of Filipino fisherfolk exercising their legitimate rights in their traditional fishing ground,” ayon kay Tarriela.
(JESSE RUIZ)
109 