Sa pakikialam ng China sa Ayungin Shoal INUUNGGOY NA TAYO – GIBO

IGINIIT ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. na walang karapatan ang China na makialam sa mga aktibidad ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon sa kalihim, walang pakialam ang China kung magsagawa man ng construction o anumang iba pang aktibidad ang Pilipinas sa sarili nitong teritoryo.

“Talaga, hindi dapat nila pakialaman ‘yun. Pangalawa, wala silang karapatan talaga na nandoon sila. Wala silang pakialam kung ano ang gawin natin sa teritoryo natin,” ani Teodoro.

Idinagdag niya na hindi na dapat balewalain ang umano’y patuloy na panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.

“Lantaran na ‘to eh. Inuunggoy na tayo,” pahayag ng kalihim.

Ginawa ni Teodoro ang pahayag kasunod ng insidente sa Ayungin Shoal kung saan umano’y hinampas ng kahoy na baton ng isang tauhan ng China Coast Guard (CCG) ang isang sundalo ng Philippine Navy.

Ayon sa Philippine Navy, lumapit nang labis ang isang barko ng CCG sa BRP Sierra Madre, dahilan upang magpadala ang militar ng dalawang bangka upang mapaalis ito sa mapayapang paraan.

Sinabi rin ng Philippine Navy na naging marahas at agresibo ang kilos ng mga tauhan ng China Coast Guard sa naturang insidente.

Nauna nang sinabi ng Beijing na mayroon umanong isinasagawang construction sa BRP Sierra Madre, na anila’y naging dahilan ng insidente sa pagitan ng Philippine Navy at China Coast Guard.

Ayon kay Teodoro, nais lamang ng China na kontrolin ang lugar kaya patuloy itong gumagawa ng mga alegasyon laban sa Pilipinas.

“Biro mo, nandito sila nagsasabi na kaibigan ang lahat, tapos shared home daw ang South China Sea. Paano tayo mag-share doon kung inaangkin mo ang 90 porsyento? Sino ang niloloko nila?” ani Teodoro.

Ang pahayag ng kalihim ay kasunod din ng panibagong insidente noong Biyernes kung saan muling ginamitan ng water cannon at isinailalim sa mapanganib na pagmamaniobra ng China Coast Guard ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng resupply mission para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc.

(JESSE RUIZ)

130

Related posts

Leave a Comment