NABUKO ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na umaabot sa isang daang bilyong piso ang inilagay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga lugar na hindi binabaha.
Sa isang panayam kay Antipolo City Rep. Ronaldo Puno, isiniwalat nito na binubusisi ng mga ito ang P250 billion na halaga ng flood control projects sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
“Ang unang ginawa nila (House committee on appropriations), yung flood control projects against yung NOAH map. Kung wala ka sa risk area, tinanggal nila. Noong tinanggal nila… from P250 (billion) somewhere, bumaba to about P150 (billion) yung nasa red area,” ani Puno.
“Sa madali’t sabi doon pa lang sa original budget (NEP), P100 billion na flood control projects nilagay sa walang floods or hindi flood prone,” dagdag pa ng kongresista.
Dahil dito, nagreport umano ang komite sa Malacanang at ipinaalam na ilipat ang pondong ito sa sektor ng edukasyon at kalusugan o kaya sa proyekto na kailangan ng mga distrito na mapapakinabangan ng mga tao.
Pumayag umano ang Malacanang sa mungkahing ito ng Kamara kaya inaatasan ngayon ang mga kongresista na nilagyan ng flood control projects ang kanilang distrito kahit hindi binabaha, na magsumite ng errata.
Samantala, hindi naitago ng mambabatas ang pagkadismaya sa Department of Budget and Management (DBM) dahil tila naghuhugas-kamay ang mga ito sa pare-parehong halaga ng flood control projects at itinuro ang DPWH.
Ayon sa mambabatas, responsibilidad ng DBM na suriin ang mga project proposal ng DPWH at iba pang ahensya ng gobyerno upang masiguro na hindi magkaroon ng panibagong budget ang mga proyektong tapos na subalit hindi nila ito ginagawa.
“Ibig sabihin wala silang desisyon na suriin? Ano sila stenographer? Wala na ba silang kailangang pag-aralan pagdating sa kanila (ang project proposal ng mga ahensya), eh bakit pa dumadaan sa kanila? Sana diretso na lang sa Kongreso yan. Kung wala silang planong i-review man lang yan, umalis na sila sa proseso,” ayon pa kay Puno.
(BERNARD TAGUINOD)
99 