MUNTIK nang mauwi sa gulo ang paniningil ng mga guwardiya at opisyal ng Violago Homes Subdivision, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City, sa mga dumaraang motorista kamakalawa ng gabi, Setyembre 1, 2025.
Ayon sa ulat, sinisingil umano ng P10 ang bawat motorsiklo, kotse, at iba pang light vehicle na pumapasok sa subdivision, habang umaabot naman sa P2,500 pataas ang bayad para sa mga delivery truck at iba pang malalaking sasakyan.
Naglagay ng barikada ang mga guwardiya at ilang opisyal ng subdivision sa kanilang gate na ikinainis ng mga motorista. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo at muntik nang mauwi sa sakitan, dahilan para rumesponde ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 13 at ilang opisyal ng barangay upang pakalmahin ang sitwasyon.
Bunsod nito, pansamantalang ipinatigil ng pulisya ang paniningil at inatasang dalhin ang usapin sa Quezon City Hall para sa pinal na aksyon.
Matatandaang ipinagbawal na ni QC Mayor Joy Belmonte ang paniningil ng mga subdivision sa mga dumaraang motorista upang maibsan ang matinding trapik sa lungsod. Subalit, ibinalik ng ilang subdivision, kabilang ang Violago Homes, ang paniningil at hindi pinapadaan ang mga motorista na tumatanggi magbayad.
Ayon sa ilang residente ng Brgy. Bagong Silangan, ang Violago Homes at Filinvest Subdivisions ang pinakamalapit na daanan papunta sa kanilang mga tahanan. Dahil dito, umaapela sila kay Mayor Belmonte na muling ipatupad nang mahigpit ang pagbabawal sa paniningil at pagharang sa mga motorista upang maiwasan ang mas matinding trapik sa mga pangunahing lansangan.
Samantala, iginiit ng isang opisyal ng Violago Homes na ang paniningil ay para umano sa “seguridad at maintenance” ng subdivision. “Kung walang singil, paano namin mapapanatili ang kalinisan at seguridad dito?” pahayag ng opisyal na tumangging pangalanan.
Sa ngayon, inaasahan ang pagdinig ng isyu sa susunod na linggo sa Quezon City Hall kung saan iimbitahan ang mga opisyal ng Violago Homes, barangay at mga apektadong motorista.
(JOEL O. AMONGO)
175 