ConCon ipinorma na sa Kamara AGE REQUIREMENT SA PRESIDENTIAL, VP AT SENATORIAL POSTS IBABABA

UMUSAD na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon) upang ibaba ang age requirement ng mga tatakbo sa pagkapangulo, pangalawang pangulo at pagkasenador.

Pormal na inihain kahapon ni House Deputy Speaker Paolo Ortega IV ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 2 na naglalayong gawing 35 anyos ang minimum age requirement para sa presidential at vice-presidential candidates, at 30 anyos naman para sa mga nagnanais maging senador.

Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, kinakailangang 40-anyos ang isang kandidato para sa pagkapangulo at pangalawang pangulo, habang 35-anyos naman ang minimum age requirement para sa pagkasenador.

Kasama ni Ortega bilang mga awtor ng resolusyon sina Deputy Speaker Jay Khonghun, Deputy Majority Leaders Ernix Dionisio Jr. ng Maynila, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, Rodge Gutierrez ng 1-Rider Party-list, Eduardo Rama ng Cebu at Lordan Suan ng Cagayan de Oro City.

Iginiit ng grupo na tinaguriang “Young Guns” ng Kamara na higit 52 porsyento ng populasyon ng bansa ay wala pang 30 taong gulang, kaya’t panahon na umano upang marinig ang tinig at boses ng kabataan sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

Ayon kay Ortega, nais nilang gayahin ang sistema sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos kung saan pinapayagang tumakbo bilang pangulo ang 35-anyos. Aniya, panahon na upang bigyan ng pagkakataon ang mas bata ngunit may kakayahang mamuno.

“Leadership is not about age but about vision, malasakit at kagustuhan na magsilbi. By opening the highest offices to leaders as young as 35, we give the Filipino people a chance to be led by the energy and creativity of the youth,” pahayag ng grupo.

Dagdag ni Ortega, naging inspirasyon nila ang ilang magagaling na batang local executives, bagama’t hindi na niya pinangalanan.

(BERNARD TAGUINOD)

159

Related posts

Leave a Comment