ZALDY CO TAHIMIK SA BUDGET INSERTIONS

HINDI pa rin nagsasalita si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co kahit pa nababanggit ang pangalan niya sa umano’y ‘pinaka-corrupt” na pambansang pondo ngayong taon at maging sa insertions o pagsisingit ng pondo sa infrastructure projects ng Department of Public Works and Highway (DPWH).

Tahimik si Co sa kabila ng paulit-ulit na paghingi ng mga kagawad ng media ng kanyang panig sa lumabas na alegasyon sa pagdinig ng House-Infra committee na nag-iimbestiga sa katiwalian sa flood control projects partikular sa pahayag ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nadagdagan ng P100.8 billion ang kanilang infrastructure projects ngayong 2025.

Maliban dito, isiniwalat ni Navotas Rep. Toby Tiangco na si Co, na dating chairman ng House appropriations committee noong ginagawa ang 2025 General Appropriations Act (GAA), ang proponent umano sa P13 Billion na singit sa infrastructure projects ng DPWH habang ang kanyang partidong Ako Bicol party-list at Barangay Health Workers (BHW) party-list na kinatawan ng kanyang pamangkin na si dating Rep. Natasha Co ay nag-request din umano ng tig-P2 billion halaga ng imprastraktura.

Binalikan ng mga kagawad ng media ang media officer ni Co na nagngangalang Ela para tanungin kung dadalo ang mambabatas sa pagdinig ng InfraComm subalit “Good morning. Will check po. update po kami pag meron,” ang sagot nito.

Pipiliting Dumalo

Sa panayam kahapon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, na co-chairman ng InfraComm, sinabi nito na pipilitin nilang dumalo si Co kung mapatunayan na sangkot sa anomalya ang kumpanya nitong Sunwest.

“If there is a showing that there is an anomalous transaction, anomalous contract, anomalous project, substandard or ghost project to a company that is linked to him, then of course we will be compelled to invite him,” ani Ridon.

Ang Sunwest ay kabilang sa top 15 construction companies na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nakakopo ng pinakamalaking pondo ng infrastructure projects ng DPWH na kinabibilangan ng flood control projects.

“We have to be very clear that what the nation wants is really to have actual accountability on what had happened in some standard and ghost projects. Issues relating to budget insertion, congressional initiatives, will have its day. Because this [is]an investigation on actual flood control projects,” ani Ridon.

Sa pagdinig ng komite noong Lunes, tinangka ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipatawag si Co at maging si dating Senate Finance committee chairperson at dating Sen. Grace Poe subalit hinarang ito ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.

Nais ni Erice na dumalo nang personal si Co para ipaliwanag ang mahigit P100 billion na idinagdag sa budget ng DPWH subalit tumutol si Abante dahil hindi malinaw kung resource person o miyembro ng Kamara ang papel ng mambabatas sa imbestigasyon kung ipatatawag ito.

Subalit kung si Davao City Rep. Isidro Ungab, tanging si Co na naging chairman ng Appropriations committee ang hindi nagsasalita kapag nakukuwestiyon ang pambansang pondo.

“Noong time namin kapag may nag-mention sa budget, yung former chairman tatayo kaagad dyan, sa plenary. Magsasalita, question of privilege, individual o collective privilege at eexplain kung anong nangyari, August 4 ako nagsalita (na most corrupt ang 2025 national budget), hanggang ngayon wala akong narinig na denial man lang sa previous chairman,” ani Ungab na naging chairman din ng nasabing komite sa nakaraang administrasyon.

(BERNARD TAGUINOD)

284

Related posts

Leave a Comment