INAMIN ni dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na gumagamit siya ng alyas at pekeng ID para makapasok sa casino, sa kabila ng pagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na magsugal.
Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee, sinabi ni Alcantara na iba ang nakalagay na pangalan sa ID na ibinibigay sa kanya. Nang tanungin ni Manila Rep. Joel Chua kung alias ang gamit niya, inamin ito ni Alcantara na dawit din sa mga maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Ayon kay Alcantara, nakakasama niya sa casino ang dalawang kasamahan mula sa DPWH—sina District Engineer Brice Hernandez at Engineer Jaypee Mendoza.
Bagama’t hindi niya binanggit ang kanilang alias, lumabas sa social media na ginagamit umano ni Alcantara ang pangalang “Joseph Castro Villegas,” “Marvin De Guzman” naman si Hernandez, at “Peejay Asuncion” si Mendoza.
Bawal sa Gobyerno
Ipinaalala ni Rep. Chua na may umiiral na memorandum na nagbabawal sa lahat ng public officials na pumasok sa casino, bagay na alam umano nina Alcantara ngunit nilabag pa rin.
Aminado si Alcantara na umaabot sa P100,000 ang naitataya niya, ngunit hindi raw laging talo.
P180-M Panalo
Hindi Naibigay
Kinumpirma ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Alejandro Tengco na may government officials na nakapasok sa casino at hindi binayaran ang kanilang panalo nang mabuking ang kanilang pagkakakilanlan. Umaabot umano sa P180 milyon ang kabuuang hindi nailabas na panalo.
Isa pang kaso ang isang konsehal na nanalo ng P14 milyon at nagbitiw sa puwesto upang makuha ang napanalunan. Subalit nang hingan ng sertipikasyon mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), hindi na ito bumalik, ayon kay Tengco.
Paalala ng Palasyo
Kasunod ng isyu, pinaalalahanan ng Malacañang ang lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno na huwag maugnay sa anomang uri ng sugal.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, ang magiging desisyon sa kaso ni Alcantara ay nakasalalay kay Public Works and Highways Secretary Vince Dizon.
Batay sa Administrative Code of 1987 at sa Memorandum Circular No. 6, series of 2016 ng Office of the President, mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng government officials at employees ang pagsusugal at pagpasok sa mga casino.
Ayon sa PAGCOR, ipinatutupad na nila ang “second screening” para masala ang mga mananalo at matukoy kung sila ay kawani ng gobyerno.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
223 