REP. ZALDY CO PROTEKTADO NG MGA KONGRESISTA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NGAYON masusubukan kung gaano katibay ang dibdib ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa kanyang paglaban sa mga opisyal ng gobyerno at politicians na nadadawit sa maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa impormasyon na ating nakalap mula sa Commission on Audit (COA), ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), Kamara, Senado, at contractors ang nagsabwatan kaya nangyari ang mga guni-guni o ghost sa flood control projects.

Nakita mismo sa dalawang mata ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. nang magtungo siya sa Bulacan at Baguio City, kung paano kinurakot ng mga tiwaling taong ito ang pondo ng flood control projects.

Ngayon, magkabilaang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kamara na halatang may iniiwasang kalkalin.

Sa pagdinig ng Tri-Infra Committee ng Kamara kamakalawa, nariyan na nadadawit sa katiwalian sa flood control projects ang kanilang kasamahan na si dating House Committee on Appropriations chairperson at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kaya sinabi ni Navotas Congressman Toby Tiangco na kailangang imbitahan ng komite ang nasabing kongresista.

Imbes na sumang-ayon ang mga kongresista na padaluhin si Rep. Co sa pagdinig ay kinontra ito nina Manila Rep. Benny Abante, Jr., at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.

Bakit? May mabibisto ba sa kanila? Anong silbi ng kanilang isinasagawang imbestigasyon, para pagtakpan ang kanilang kasamahan na nadadawit sa katiwalian o linlangin ang publiko na kunwari ay nagsasagawa sila ng pagdinig?

Sa panayam ng mga taga-media kay Rep. Tiangco, sinabi nitong pinagtatakpan ng kanilang kasamahan si Rep. Co kaya ayaw nila itong imbitahan sa pagdinig.

Bilang dating House Appropriation Committee chair, si Rep. Co ay kailangang ipaliwanag ang mahigit isang daang bilyong piso na isiningit sa Bicameral Conference Committee para sa 2025 national budget, P13 bilyon ang ipinasok umano nito.

Maging si Davao City Rep. Isidro Ungab ay nais din niyang ipatawag ng komite si Rep. Co dahil mula nang kuwestiyunin niya ang 2025 General Appropriations Act ay hindi man lamang ito nagsalita kahit minsan.

Sa pagdinig naman ng Senado partikular ang Blue Ribbon Committee, hindi rin nila magawang kuwestiyunin ang pagiging malapit ni Senator Joel Villanueva kay dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara kung saan natuklasan na may pinakamalalang anomalya sa flood control projects.

Kung sinasabi na ang isinasagawang imbestigasyon ng Kamara at Senado ay “in aid legislation”, bakit ayaw nilang kuwestiyunin ang kanilang kasamahan na idinadawit sa mga katiwalian sa flood control projects? Baka ang magawa nilang batas ay para papanagutin lamang ang malaliliit at hindi sila kasama kapag gumawa sila ng kasalanan?

Ang tanong ng publiko ngayon, ganoon din kaya ang gagawin ng itinatag na independent commission ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na hindi rin ipatatawag ang mga mambabatas na nadadawit sa kontrobersiya?

Kamakailan, may mga lumabas na impormasyon na may 67 kongresista ang contractors.

May mga kongresista ang naging contractor at contractor na naging kongresista, kaya nangyari ‘yang mga anomalya sa flood control projects.

Ipinagtataka rin ni Rep. Tiangco kung bakit ayaw imbitahan ng Kamara si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Si Mayor Magalong kasi ang nagsiwalat ng bilyun-bilyong pisong kickback ng mga kongresista sa flood control projects.

Ibinulgar din niya na ilan sa mga kongresista ay kumuha na ng mamahaling condominium unit para gawing “room vault” ang ilang kuwarto na paglalagyan ng limpak-limpak na salapi ng mga kongresista.

Iniiwasan kasi ng mga ito na ilagay sa mga bangko ang kanilang kinitang pera sa maanomalyang flood control projects, para maiwasan nila ang imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council, kaya cash basis umano ang bayaran sa kanila ng mga contractor.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kamakailan, lumalabas na ang nawawala sa kabuuang budget ng flood control projects ay 74%, samantalang 26% na lang ang nagagamit sa mga proyekto.

Sa 74% na nawawala sa kabuuang pondo ng proyekto, 30% nito ang napupunta sa kongresista at ang natitira ay pinaghati-hatian ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways, Commission on Audit (COA), contractor at kasama pa pala ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).

Kawawang lahi ni Juan dela Cruz, hindi na makalaya sa katiwalian.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

33

Related posts

Leave a Comment