IBINUNYAG na ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sinasabing tumawag at nag-imbita kay Senate Minority leader Vicente Tito Sotto II para sa maagang insertions sa panukalang pambansang budget para sa 2026.
Ayon kay Lacson, may tumawag na nagpakilalang si “Undersecretary Cabral” sa isang staff ni Sotto makalipas ang halalan sa Senado noong Mayo.
Tinanong umano nito ang nais nilang ipasok sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2026.
“Sasabihin ko na, si ‘Undersecretary Cabral’ daw ang tumawag sa kanyang (Sotto) staff at sinabing magsingit kayo dito ng gusto n’yong isingit. E di wala na. Kung isa si Sen. Sotto na in-offer-an, sino pa ang na-offer-an ng ganoon at sino ang nag-submit?” pahayag ni Lacson.
Kinumpirma naman ni Sotto na may tumawag sa kanyang emisaryo umano ni Cabral at tinatanong kung nais niyang magpasok ng insertion sa budget ng DPWH.
Tinanggihan ito ni Sotto sa pagsasabing hindi niya ito gawain at posible rin anyang trap ito.
Nakalista sa website ng DPWH si Maria Catalina E. Cabral bilang Undersecretary for Planning, Public-Private Partnership, and Information Management Services.
Isiniwalat naman ni Sotto na kilala na ni Lacson ang government official na may hawak ng mga listahan ng mga mambabatas na nagpasok ng insertions sa mga nakaraang budget.
Nagpasaring pa si Sotto na hintayin na lamang ang pagbubunyag ni Lacson sa Miyerkules. (DANG SAMSON-GARCIA)
