INFRACOM TINIKLOP SA ISYU NG KREDIBILIDAD

MISMONG si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang nagsabing wala nang kredibilidad ang Infra Committee na nag-iimbestiga sa anomalya sa flood control projects kaya ipinatiklop na niya ang imbestigasyon.

“Hindi naman pinaniniwalaan ng karamihan ng ating kababayan kung ano ang nangyayari sa Infra Comm na ito,” ani Dy sa ambush interview kahapon.

Ang komite, na binuo ng House committees on public accounts, good government and public accountability, at public works, ay nilikha para siyasatin ang flood control projects batay sa resolusyong inaprubahan ng Kamara. Dalawang hearing na ang isinagawa pero agad itong nalusutan ng kontrobersya matapos kumontra si Navotas Rep. Toby Tiangco sa umano’y pagtatanggol ni Bicol Saro Rep. at public accounts chair Terry Ridon laban sa pagpapatawag kay Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Dahil dito, tumawid si Tiangco sa Senate Blue Ribbon Committee kung saan isinabit niya si Co sa isyu ng budget insertions para sa flood control projects. Idinawit din ng mag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya sina Co at dating Speaker Martin Romualdez sa parehong anomalya.

Ayon kay Dy, dahil sangkot umano ang ilang kongresista, hindi na paniniwalaan ng publiko ang resulta ng imbestigasyon ng InfraCom.

“Makakabuting ipasa na namin sa Independent Commission on Infrastructure (ICI),” paliwanag niya.

Inatasan din ni Dy ang komite na ibigay sa ICI ang lahat ng nakalap nilang impormasyon mula sa dalawang public hearing.

“We defer to Speaker Dy’s pronouncement directing the submission of reports, transcripts and documents to the ICI,” ayon naman kay Ridon.

Pulong Dinedma

Samantala, dinedma ng Makabayan bloc ang pasaring ni Davao City 1st District Congressman Paolo “Pulong” Duterte na tanging kaban ng bayan ang kanilang habol sa Kongreso.

“Nagpapapansin lang yan,” sagot ng Makabayan bloc na kinabibilangan nina ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio, Kabataan party-list Rep. Renee Co at Gabriela party-list Rep. Sarah Elago na pormal nang naluklok sa Kongreso noong nakaraang linggo.

Sa isang social media post, kinaldag ni Duterte ang Makabayan bloc sa gitna ng panawagan ng mga militanteng mambabatas na hindi lamang ang kasalukuyang katiwalian sa flood control projects ang imbestigahan kundi maging sa nakaraang administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ng grupo ni Tinio na panagutin din sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte sa pagtanggap ng mga ito ng campaign donations sa mga kontratista noong 2022 presidential election.

“You call yourselves Makabayan bloc, but nothing in your actions reflects service to the nation. Mas bagay sa inyo ang tawag na Maka-Kaban ng Bayan — dahil halata namang kaban lang ng bayan ang pinapakinabangan ninyo. Stop hiding behind slogans, the people already see through the hypocrisy,” post ni Duterte sa social media.

Magugunita na naungkat ang nasabing isyu sa pagdinig ng House Infra Committee kung saan lumitaw na ito ang pinakamalaking pondong naibigay umano sa isang distrito sa kasaysayan ng bansa sa loob lamang ng tatlong taon.

Hindi itinanggi ni Rep. Duterte ang nasabing halaga subalit iginiit nito na walang ghost projects sa kanyang distrito at fully accounted aniya ang mga proyektong ginawa mula 2020 hanggang 2022.

(BERNARD TAGUINOD)

80

Related posts

Leave a Comment