Socmed post pinag-uusapan ZALDY CO MAS GUSTONG MAG-RESIGN KAYSA UMUWI

KUNG pagbabasehan ang kumakalat na social media post, walang balak bumalik sa bansa si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at kung pipilitin umano ay magre-resign na lang siya bilang kinatawan ng kanilang partido.

“If you will force me to go back to Philippines I will resign… wag sana magmadali dahil uuwi ako at hindi ako tumatakbo dahil malinis ang konsensya ko,” ayon sa post na iniuugnay kay Co. Iginiit pa nito na nagpapagaling siya sa sakit na hindi umano kayang gamutin ng mga ospital sa Pilipinas.

Tinangkang hingin ng media sa Kamara ang panig ng mambabatas pero tumanggi ang media officer nitong si Ela. “Will send po pag meron,” tanging sagot nito, ngunit hanggang ngayon ay wala pang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Co.

Matatandaang kinansela ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang travel authority ni Co at inutusan itong umuwi sa loob ng sampung araw para harapin ang isyu ng budget insertions at flood control projects anomaly. Nagbabala si Dy na kung hindi susunod ang kongresista ay posibleng makasuhan o mapatawan ng disciplinary action ng Kamara.

Ayon pa kay Dy, natanggap na ni Co ang sulat mula sa Kamara. “Hopefully, masunod niya yung sampung araw na binigay natin sa kanya,” aniya. Samantala, kumalat din ang impormasyon na wala na sa Amerika si Co kundi nasa Europa na, ngunit hindi pa ito makumpirma ng lider ng Kamara.

(BERNARD TAGUINOD)

60

Related posts

Leave a Comment