DUDA ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa timing ng desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ibalik sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kinuhang pondo.
Ayon kay ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio, posibleng inunahan na ni Marcos ang magiging ruling ng Korte Suprema na pabor sa petisyon laban sa paggamit sa PhilHealth funds sa ibang bagay maliban sa kapakanan ng mga miyembro.
“This announcement is long overdue and may be intended to preempt any Supreme Court decision on the matter. The transfer of these funds was highly questionable from the beginning,” ani Tinio.
Kamakalawa ay inanunsyo ni Marcos na ibabalik na ang P59.9 billion na kinuha sa PhilHealth.
Matatandaang kinuwestiyon ng ilang grupo ang nasabing hakbang ng Malakanyang sa Korte Suprema noong nakaraang taon.
Kasunod nito ay binawalan din ng Kataas-taasang Hukuman ang administrasyong Marcos na ilipat sa national treasury ang natitirang P30 billion sa pondo ng PhilHealth at inaasahan na maglalabas na umano ng desisyon ang mga mahistrado sa isyung ito.
“We cannot ignore the fact that this sudden change of heart comes only after sustained legal pressure and public outcry. Ang pagbabalik ng pondo sa PhilHealth ay patunay na mali talaga ang ginawang pag-transfer ng mga pondong ito, pero bakit ngayon lang?” ayon naman kay Kabataan party-list Rep. Renee Co.
Ginawa ni Marcos ang desisyon bago ang malawakang kilos protesta sa flood control project noong Linggo, September 21, kaya lalo namang nagdududa si Gabriela party-list Rep. Sarah Elago sa biglang pagbabago ng isip ng Pangulo.
Lalong lumakas ang duda ni Tinio na kaya kinuha ng Malacanang ang pondo ay para gamitin sa unprogrammed appropriations na karamihan ay flood control projects na napatunayang ninanakaw lamang ng mga tiwali sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kasabwat nilang politiko at kontraktor.
Giit ni Tinio, dapat ipaliwanag ni Marcos kung bakit niya kinuha ang pondo ng PhilHealth at saan ito pansamantalang ginamit na inayunan naman ni Co.
“The P225.3 billion Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP) and other questionable projects in the unprogrammed funds—were these funded by raiding PhilHealth’s coffers? Kailangan nating malaman kung saan talaga napunta ang mga pondong ito,” ani Co.
(BERNARD TAGUINOD)
