NANUMPA na si Senator Vicente “Tito” Sotto III bilang bagong Senate President na sinaksihan ng kanyang pamilya. (DANNY BACOLOD)
TULUYAN nang napalitan si Senador Francis Chiz Escudero bilang lider ng Senado.
Iniluklok ng mga senador si Senador Vicente Tito Sotto III matapos bakantehin ni Escudero ang posisyon.
Si Senador Juan Miguel Migz Zubiri ang nagsulong na ideklarang bakante ang posisyon bilang Senate leader na inaprubahan ni Escudero.
Si Zubiri rin ang nag-nominate kay Sotto bilang Senate President sa pagsasabing sa pamamagitan ni Sotto ay nasa good hands ang Senado.
Walang ibang lumaban kay Sotto sa posisyon kaya’t sinundan na ito ng panunumpa kasama ang kanyang pamilya gayundin ang mga miyembro ng minority bloc.
Pinangunahan naman mismo ni Escudero ang panunumpa ni Sotto bilang bagong Senate leader.
Sa kanyang speech, pinasalamatan ni Escudero ang buong Senado sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanya upang pamunuan ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Umaasa anya siya na magpapatuloy ang transparency at independence ng Senado.
Inihalal naman bilang Senate President Pro Tempore si Senador Panfilo Ping Lacson kapalit ni Senador Jinggoy Estrada habang si Senador Juan Miguel Migz Zubiri ang Senate Majority leader kapalit ni Senador Joel Villanueva.
Tatlong usapin ang sinasabing nag-trigger sa pagpapalit ng lider sa Senado na kinabibilangan ng isyu ng budget insertions, impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte at ang isyu sa Charter Change.
(DANG SAMSON-GARCIA)
210 