MILD HYBRID VEHICLES PINASASAMA NG LCSP SA CODING EXEMPTION

HINILING ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na isama ang mild hybrid electric vehicles sa mga sasakyang exempted sa number coding scheme ng MMDA at iba pang LGUs.

Giit ng grupo, nakasaad sa R.A. 11697 o Electric Vehicle Industry Development Act na kabilang sa mga non-fiscal incentives ang exemption sa unified vehicular volume reduction program o number coding.

“Kung ang electric motor ay tumutulong man lang sa gasoline engine o nagpapatakbo ng ilang bahagi ng sasakyan tulad ng aircon o ilaw kapag naka-off ang makina, bakit hindi sila exempted? Hindi ba’t ito rin ay nagpo-promote ng alternatibo sa fuel?” ayon sa LCSP.

Dagdag pa ng grupo, maliit lang ang bilang ng mga mild hybrid sa bansa kaya’t hindi ito makaaapekto sa trapiko. Sa datos ng LTO, nasa 29,715 units ang kabuuang rehistradong EVs hanggang Hulyo, ngunit hindi pa malinaw kung ilan dito ang mild hybrid.

“Ang punto namin ay simple—kung seryoso ang pamahalaan sa pagsuporta sa clean energy at pag-shift sa mas environment-friendly na transportasyon, dapat walang maiiwan, kabilang na ang mild hybrids,” giit pa ng LCSP.

(PAOLO SANTOS)

157

Related posts

Leave a Comment