SOLON: ANTI-ENDO BILL PEKE

endo12

( NI BERNARD TAGUINOD)

KAHIT maipasa ang anti-Endo o End of Contract scheme ay hindi mawawala ang kontraktuwalisasyon sa bansa bagkus ay lalong lalakas ang sistemang ito na ginagawa ng malalaking negosyante sa bansa.

Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, sa press conference nitong Miyerkoles, matapos i-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado sa Security of Tenure bill na sa unang tingin ay mawawakasan ang Endo sa bansa.

“Pero hindi ganyan ang mangyayari sa bersyon ng Senado na in-adopt ng House of Representatives, mayroon nalagay doon na “‘directly related to the principal business’ na mga empleyado ang ireregular.

Taliwas ito sa bersyon ng Kamara na lahat ng mga nagtatraaho sa isang kompanya ay dapat iregular subalit nalusaw na umano ang ipinasang panukala ng mga kongresista matapos i-adopt ng kapulungan ang Senate version.

Itinuturing ni Brosas na “loophole” ang probisyong ito ng nasabing panukala dahil maaaring i-subcontract ng mga negosyante ang ibang trabaho kaya mananatili o posibleng mas lalala pa ang Endo.

“Halimbawa sa isang pagawaan ng t-shirt, yung mga mananahi lang ang sasabihin nila na directly related sa kanilang negosyo ang puwedeng iregular pero yung mga nagpapack, nagde-deliver, nagmamalantsa at iba pang empleyado, isa-subcontract na nila,” paliwanag ni Brosas.

Naniniwala ang mambabatas na kaya inadopt ng Kamara ang bersyon ng Senado upang hindi na ito dumaan sa bicameral conference committee at agad na ie-enroll para pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang may maipagmalaki ito sa kanyang susunod na State of the Nation Address (SONA).

 

315

Related posts

Leave a Comment