Walang koordinasyon sa mga foreign state – Lawyer WAGE HIKE NG OFWs SA GULF PINATITIGIL SA DMW

NANAWAGAN ang isang abogada sa Department of Migrant Workers (DMW) na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng kontrobersyal na Advisory No. 25, Series of 2025 na nagtataas ng minimum wage ng mga Pilipinong kasambahay abroad mula $400 pataas sa $500.

Sa sulat noong Setyembre 12, sinabi ni Atty. Rahima S. Ayunan, general manager ng Jamal Human Resource Internationale, kay DMW Sec. Hans Leo Cacdac na “improper at premature” ang naturang polisiya dahil wala pang matibay na kasunduan sa Gulf states.

Giit ni Ayunan, may kapangyarihan nga ang DMW na magtakda ng patakaran pero kailangan itong iayon sa batas ng host country at i-coordinate sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Nagbabala rin siya na maaaring hindi kilalanin ng mga bansang Gulf ang naturang hakbang, na posibleng humantong sa tensyon sa diplomasya.

Kamakailan, sa pulong nina Sec. Cacdac at Qatar Minister of Labour Ali bin Samikh Al Marri, iginiit ng Gulf officials na hindi tatanggapin ang unilateral na wage hike mula Manila at dapat dumaan ito sa konsultasyon.

Dagok sa recruitment agencies

Babala ni Ayunan, puwedeng mapuruhan ang mga ahensya sa Pilipinas dahil sa prinsipyong joint and solidary liability—ibig sabihin, kapag tumangging magbayad ng $500 ang employer abroad, ang ahensya sa Pilipinas ang sasalo sa lahat ng habol.

Posibleng kahihinatnan:

Contract substitution o palit ng kontrata matapos ma-deploy ang OFW.

Lahat ng habol sa sweldo, sa ahensya lang ipapataw.

Deployment freeze kung tutol ang mga bansang Gulf.

Mahigit 562,000 Pinoy kasambahay ang na-deploy sa Gulf mula 2022 hanggang 2024—pinakamalaki sa Saudi Arabia (235,448), Kuwait (148,249), at UAE (76,596).

Nilinaw ni Ayunan na pabor siya sa mas mataas na sahod, pero dapat daw siguruhin muna na may bisa ito sa labas ng bansa.

Rekomendasyon niya:

I-delay muna ang implementasyon hanggang may kasunduan sa Gulf states.

Makipag-ugnayan sa DFA para makuha ang pagkilala sa $500 wage floor.

Unti-unting ipatupad kung saan aprubado na ng host country.

“Maganda ang layunin, pero kung walang international recognition, sa mga ahensya lang babagsak ang bigat,” diin ni Ayunan.

157

Related posts

Leave a Comment