‘DI NAGKAKAISA ANG PINOY KONTRA KATIWALIAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG gusto mong masira ang araw mo, magbasa ka sa social media at talagang mapipikon ka dahil imbes na magkaisa ang lahat sa laban kontra sa corruption at mga kurakot na opisyales ng gobyerno ay nagkakasiraan pa.

Kaya kinakabahan ako na walang magandang resulta itong imbestigasyon sa flood control projects dahil nagsisiraan ang mga Pilipino imbes na magkapit-bisig para singilin at panagutin ang mga nagnakaw sa pera ng bayan.

Sa ibang bansa tulad ng Nepal, sa loob ng anim na buwan mula nang may Gen Z na gumising sa mga kaedad niya hinggil sa malalang katiwalian sa kanilang gobyerno, hindi sila nagsiraan sa social media.

Sa halip ay nagkaisa sila sa social media hanggang sa kilos-protesta kaya napatalsik nila ang kanilang Prime Minister na hinabol ang mga Member of Parliament na alam nilang kurakot dahil sa marangyang pamumuhay ng kanilang mga anak na idinidisplay pa sa socmed.

Ang hindi ko lang nagustuhan sa mga Nepalese ay pinagsisira at sinunog nila bahay ng mga politiko at maging ang gusali ng Parliament pero nagkaisa sila kaya nagtagumpay silang alisin sa kanilang sistema ang mga kurakot na politiko.

Pero rito sa ating bansa, sinisiraan ang mga kumokontra sa mga katiwalian at pinipintahan ng masama ang kanilang krusada kaya ‘yung mga ordinaryong mamamayan na nag-aabang at nagbabasa lang ay nagdududa.

Walang ibang nakikinabang sa siraan sa social media kundi ang mga kurakot sa gobyerno dahil kung ganito ang nangyayari siguradong hindi mapapanagot ang mga ito sa kanilang pagnanakaw sa gobyerno at kawalanghiyaan.

Kapag ganito ang inaasal ng mga Pilipino sa social media, magpapatuloy ang pagnanakaw ng mga politikong ito hangga’t nasa puwesto sila at kapag hindi na nila kaya ay papalit sa kanila ang mga anak nila na pinalaki nila sa yaman na ninakaw nila sa sambayanan.

Kung ano ang inasal ng matatandang politiko ay ‘yun ang gagawin ng kanilang mga anak o kaanak na papalit sa kanila. Hindi naman magbubunga ng santol ang mangga at walang kabusugan ang mga iyan.

Tandaan n’yo ha, maraming politiko na anak ng mga dating politiko ay hindi nakaranas na magtrabaho at nag-aantay lang ng retirement ng kanilang mga matanda kaya siguradong magnanakaw rin ang mga iyan.

Ang tanging paraan para mabasag ang kalakarang iyan ay singilin at panagutin ang mga politikong nagnakaw sa gobyerno kasabay ng paniningil at pagpapanagot sa mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ng gobyerno na nagsabwatan hindi lamang sa flood control projects kundi sa iba pang imprastraktura.

Pero hangga’t hindi nakakaisa ang mga Pilipino at dalawang kapulungan ng Kongreso ay hindi mapapanagot ang mga kurakot sa pamahalaan at pagtatawanan ang ating katangahan sa dulo!

58

Related posts

Leave a Comment