LABAN KONTRA KORAPSYON NG MARCOS ADMIN SUPORTADO NI GOITIA

MULING ipinahayag ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng ilang makabayang grupo, ang kanyang buong suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pinaigting na kampanya laban sa korapsyon.

Ayon kay Goitia, ang panawagan ng Pangulo ay hindi lamang usaping pampulitika kundi isang moral at pambansang tungkulin.

“Ang laban kontra korapsyon ay para ibalik ang dangal ng sambayanang Pilipino at matiyak na bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay tunay na nakikinabang ang taumbayan,” ani Goitia.

Kaugnay nito, nakatakdang isagawa ng September Twenty-One People’s Movement Against Corruption ang Anti-Corruption Peace Rally sa Setyembre 21, mula ika-4:00 ng hapon hanggang ika-7:00 ng gabi.

Magsisimula ang pagtitipon sa Morayta at magmamartsa patungong Mendiola — isang makasaysayang lugar ng mga protesta.

Layunin ng aktibidad na ipakita ang suporta kay Marcos at papanagutin ang mga nasa likod ng umano’y palpak at “ghost” flood control projects.

“Hindi matatanggap ng taumbayan ang mga proyektong nasa papel lang, kontratang pinalobo ang halaga, at mga politikong kumikita mula sa pawis ng bayan. Sobra na, tama na, at panahon na para lumaban!” giit ni Goitia.

Dagdag ni Goitia, mahalaga ang pamumuno ng Pangulo sa pagbuwag ng sistematikong korapsyon na pumipigil sa pag-unlad ng bansa.

“Kasama namin tumitindig ang Pangulo dahil ang laban na ito ay para sa bawat manggagawa, magsasaka, at mangingisdang Pilipino. Ang pagsuporta sa Pangulo ay pagsuporta sa kinabukasan kung saan ang yaman ng bayan ay tunay na ilalaan para sa pag-unlad,” wika niya.

Sama-samang Panawagan

Ang pagtitipon ay pangungunahan ng malawak na koalisyon ng mga makabayang grupo gaya ng FDNY Movement, Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), kasama ang mga kabataan, artista, samahang sibiko at iba pang organisasyon.

Nanawagan si Goitia sa lahat ng Pilipino na makiisa sa kilusan:

“Ito ay higit pa sa pagtitipon — ito ay pahayag ng pagkakaisa at babala sa mga tiwali. Kasama ang Pangulo, muling nating itatayo ang ating mga institusyon at ibabalik ang tiwala ng bayan sa pamahalaan.”

Sa pagtatapos, muling binigyang-diin ni Goitia:

“Katuwang kami ng Pangulo at ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa lahat ng anyo ng korapsyon. Ito ang laban ng ating henerasyon — at sama-sama, makakamtan natin ang tagumpay.”

49

Related posts

Leave a Comment