HINDI sapat ang simpleng pagpapatalsik kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co bilang miyembro ng Kamara — dapat umano itong sampahan ng non-bailable case na plunder.
Ito ang mariing pahayag ni Navotas Rep. Toby Tiangco matapos ang pormal na pagsasampa ng reklamo laban sa dating chairman ng House Committee on Appropriations sa House ethics committee.
Lumabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na nagbaba umano si Co ng P35 bilyong proyekto sa kanyang distrito sa Bulacan mula 2022, kung saan kinotahan umano ito ng 25% na komisyon, ayon kay dating District Engineer Henry Alcantara. Tinatayang umabot sa P7 bilyon ang napunta kay Co sa Bulacan First Engineering District pa lamang.
“Not only expulsion, that’s plunder di ba?” giit ni Tiangco, na una nang naghain ng ethics complaint laban kay Co na mula pa noong Hulyo ay hindi na nagpakita sa Kongreso.
Kasama rin sa reklamo ang paglobo ng kontrata ng Sunwest Construction, kumpanyang itinatag ni Co. Mula P1.9 bilyon noong 2016, tumaas ito nang husto sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang appropriations chair — umabot ng P19.9 bilyon noong 2024 bago bumagsak ngayong 2025 matapos siyang matanggal sa pwesto. Sa kabuuan, tinatayang mahigit P86 bilyon ang kontratang nakuha ng Sunwest mula 2016 hanggang 2025.
Dagdag pa ni Tiangco, sinisira ni Co ang kredibilidad ng Kamara dahil sa mga anomalya sa General Appropriations Act (GAA), partikular sa 2025 budget na tinawag nitong “pinaka-malala.”
Samantala, pinag-aaralan ni Tiangco na sampahan ng reklamo sa ethics committee si Co.
Sa isang panayam kahapon, sinabi ni Tiangco na ang complaint ay hindi dahil sa posibleng pagsuway ni Co sa kautusan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na umuwi ito sa loob ng 10 araw kundi ang hindi nito pagsusumite ng report ng small committee sa 2025 House General Appropriations Bill (HGAB).
“Pinag-aaralan, for example, yung hindi pag-file ng report doon sa small committee. Is it enough na pwede na siyang (Co) ma-ethics dun. Pinag-aaralan kong mabuti,” paliwanag ng mambabatas.
Mas lalo pang nabaon sa kontrobersya si Co matapos ikanta ni Alcantara na ang bultu-bultong perang laman ng mga kumalat na litrato ay mula umano sa komisyon ng kongresista sa flood control projects.
(BERNARD TAGUINOD)
174 