PUNA ni JOEL O. AMONGO
PINANGALANAN na ni dating Department of Public Works and Highways Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at dating Sen. Bong Revilla, dating Rep. Mitch Cajayon at Commission on Audit Commissioner Mario Lipana na kumuha ng kickbacks mula sa mga maanomalyang proyekto na hawak ng DPWH.
Sa pinakahuling pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado sa pamumuno Senator Lacson, kinumpirma nito ang sinabi ng kanyang assistant na si Engr. Brice Hernandez na dawit sina Estrada at Villanueva sa maanomalyang mga proyekto ng DPWH Bulacan 1st Engineering Office.
Bagama’t hindi binanggit ni Engr. Hernandez si Revilla ay itinuga naman ito ni Engr. Alcantara na kumuha ng komisyon dahil sa kahilingan ng kanyang boss na si Usec. Roberto Bernardo na tulungan si Revilla sapagkat tatakbo ito noong 2025 elections.
Sinabi pa ni Alcantara, nang magsimula siyang maging District Engineer ng DPWH Bulacan 1st District dahil sa rekomendasyon sa kanya ni Usec. Bernardo, ay unti-unting lumaki ang pondo na bumababa sa kanila partikular noong taong 2022, 2023, 2024 hanggang 2025.
Ayon sa kanya, kalimitan ay nagsisimula ang kickbacks ng nasabing mga personalidad o proponent, mula 10% hanggang 30%, depende kung galing sa National Expenditure Program (NAP) pa lang o General Appropriations Act (GAA).
Binanggit din niya na minsan ay ipinadala niya sa kanyang driver ang komisyon para kina Estrada at Villanueva.
Nagdala rin siya minsan ng kickbacks para kay Ako Bicol Party-list Zaldy Co sa bahay nito sa Valle Verde Executive Subdivision sa Pasig City, na iniaabot niya sa tauhan ng kongresista.
Tahasan ding idiniin ni Engr. Alcantara sina dating Rep. Mitch Cajayon at COA Commissioner Mario Lipana na nangungumisyon sa kanilang mga proyekto.
Ibinunyag din nina Engr. Hernandez at Engr. Jaypee Mendoza na nakapag-deliver sila ng bilyong piso kay Zaldy Co sa Shangri-La BGC na mahigit sa dalawampung (20) maleta na isinakay sa 6 hanggang 7 vans.
Dahil sa pagbubunyag ni Engr. Alcantara ay agad siyang isinama ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla para alamin kung maaari siyang isailalim sa Witness Protection Program ng DOJ.
Sa nasabing pagdinig muling nagtalo sina DOJ Sec. Remulla, Senator Panfilo Lacson at Senator Rodante Marcoleta, nais kasi ng dalawa na ibalik muna ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ang nakuha nilang pera sa gobyerno bago silang ikonsidera na maging state witness.
Ayon kay Marcoleta, wala naman umano sa batas ng DOJ na bago gawing testigo ang isang personalidad ay kailangan muna niyang ibalik ang pera na nakuha niya.
Kung wala po sa batas ‘yan bakit ipinagpipilitan ni DOJ Sec. Remulla at Senator Lacson na ipatupad ‘yan? May something ba?
Sa ganang akin ay itigil na ‘yang ginagawang pagdinig ng Senado at Kamara dahil wala nang tiwala sa kanila ang taumbayan.
Ngayon ipasa na lang nila sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga hawak nilang mga ebidensya at dapat maging transparent din ang imbestigasyon ng ICI.
Nag-aabang ang mga Pilipino sa magiging resulta sa isinasagawang imbestigasyon ng ICI sa mga nasasangkot sa katiwalian na kinasasangkutan ng mga mambabatas, DPWH Officials at iba pang opisyal ng gobyerno.
Inirekomenda naman ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson sa ICI na unahin nilang imbestigahan ang mga proyekto sa Ilocos Norte dahil may mga proyekto ang kumpanya ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa nasabing lalawigan ni Jujun Marcos.
‘Yan ay kung walang sisinuhin ang ICI na imbestigahan kahit makaladkad pa ang pangalan ni Junjun Marcos.
Sinabi naman ni Anjo Yllana, walang ibang pinakamalinis na naging presidente ng Pilipinas kundi si Junjun Marcos dahil madalas itong naghuhugas-kamay.
oOo
Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
151 