2 PUMASLANG SA TRANSGENDER ARESTADO SA TONDO

ARESTADO ang dalawang lalaki na suspek sa pagpatay ng isang transgender sa Valenzuela City sa isinagawang hot-pursuit operation ng pulisya sa Tondo, Manila.

Ayon kay Valenzuela Police acting chief, P/Col. Joseph Talento, ang mga naaresto ay kinilalang sina alyas “Coy-Coy”, 27, helper, at “Jay”, 27, construction worker, kapwa residente ng Tondo, Manila.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:20 ng gabi noong Setyembre 22, 2025 nang madiskubre ang nakahubad at walang buhay na biktimang si alyas “Christine”, 44, therapist, sa loob ng kanyang inuupahang apartment sa Brgy. Malanday at may mga saksak sa leeg at dibdib.

Nadiskubre rin ng pulisya sa crime scene ang dalawang kitchen knife, isang puting t-shirt at isang six pocket short pants na pawang may mga bahid ng pulang mantsa.

Huling nakitang buhay ang biktima bandang alas-10:20 ng gabi noong Setyembre 21, nang dumating ito sa kanyang apartment mula sa trabaho hanggang sa makarinig na lamang ang mga kapitbahay at nangungupahan ng mga ingay at kalabog mula sa unit ng biktima sa pagitan ng 11:30 ng gabi at 12:00 ng hating-gabi.

Kaagad namang iniutos ni Col. Talento ang masusing imbestigasyon para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek at sa tulong ng ilang mga saksi at isinagawang pagsusuri sa mga CCTV footage, ay natukoy ng pulisya ang mga suspek.

Positibo ring kinilala ng dalawang saksi ang mga suspek na nakita sa CCTV na umalis sa naturang apartment noong nakaraang gabi bago matagpuan ang bangkay ng biktima.

Nakita rin sa CCTV na ang narekober na t-shirt at short pants sa crime scene ay suot ng suspek na si Coy-coy habang patungo sa apartment ng biktima at nang muli itong makita na paalis na sa lugar ay nakasuot na siya ng ibang damit.

Sa isinagawang hot-pursuit operation ng mga operatiba ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) sa pangunguna ni P/Capt. Robin Santos, naaresto ang mga suspek dakong alas-3:00 ng madaling araw noong Setyembre 24, sa Pilar Street, Tondo, Manila.

Inihanda na ng pulisya ang isasampang kasong murder (Article 248, Revised Penal Code) laban sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

(MARDE INFANTE)

30

Related posts

Leave a Comment