AGAD pinakilos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para sa agarang search, rescue at retrieval operation sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng magnitude 6.9 earthquake na tumama sa Northern Cebu.
Nitong Miyerkoles, pinasimulan agad ng AFP at PNP ang deployment ng kanilang mga tauhan at mga kagamitan sa Cebu at karatig na mga lalawigan kasunod ng naramdamang pagyanig na tinatayang umabot sa intensity 7, na naramdaman sa Region 7, 6 at 8 bandang alas-9:59 noong Martes ng gabi.
Pinakilos din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kinauukulang local government units (LGUs), lalo na sa mga apektadong lugar na agad na magpatupad ng “critical response and preparedness measures” kasunod ng 6.9 magnitude earthquake na tumama sa dalampasigan ng Bogo City.
Ayon sa PHIVOLCS, ang epicenter ng lindol ay natunton may 19 na kilometro hilagang-silangan ng Bogo City, na may lalim na 5 kilometers na nagdulot ng Intensity VII (Destructive) quake sa Bogo, Daanbantayan, Medellin, San Remigio, Tabuelan, at Cebu City, habang Intensity VI (Very Strong) ang naramdamang pagyanig sa bahagi ng Masbate at Negros Occidental. May nangyaring mahigit 600 aftershocks, mula magnitude 1.4 hanggang 4.8, ang naitala hanggang nitong Miyerkoles ng tanghali.
Agad nagpaabot ng pakikidalamhati ang DILG sa mga pamilya ng mga nasawi sa naganap na lindol sa Cebu noong Martes ng gabi. “Panalangin rin namin ang mabilis na panunumbalik ng lakas at kalusugan ng mga sugatan,“ ayon sa DILG.
Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., inatasan na rin ang Bureau of Fire Protection na tumulong sa isinasagawang search and rescue operations. Ang Philippine National Police at maging ang Armed Forces of the Philippines ay tumutulong na rin sa rescue efforts at sinisiguro ang kaayusan at kapayapaan sa mga komunidad.
Kaugnay nito, nanawagan ang kagawaran sa lahat ng mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor ng lipunan na magkaisa para alalayan at suportahan ang mga apektadong pamilya.
“Sa gitna ng trahedyang ito, magbayanihan tayo upang tulungan sa pagbangon ang Cebu at iba pang karatig na lugar,” panawagan ni SILG Jonvic Remulla.
Sa utos ni PBBM, inatasan ng DILG ang LGUs na magbuo ng kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMCs), buhayin ang Emergency Operations Centers and Incident Management Teams, at pakilusin maging ang Barangay DRRMCs para sa close monitoring ng weakened structures and geohazard areas.
Inatasan din ang Local Chief Executives na agad na magsagawa ng rapid damage assessments, at unahin ang mga critical infrastructure gaya ng roads, bridges, schools, hospitals, and lifelines.
AFP MOBILIZATION:
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), masusi nilang binabantayan ang sitwasyon sa mga lugar na tinamaa ng lindol.
“Search and rescue operations are now ongoing in affected areas in Cebu, with AFP units working in coordination with local authorities and first responders. To augment these efforts, almost 1,600 teams composed of active military personnel, CAFGU Active Auxiliary members, and reservists are on standby for immediate deployment,” ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.
“The AFP has likewise placed its land, air, and sea assets on standby to support humanitarian assistance and disaster response (HADR) operations as needed.”
Ayon kay Col. Ma. Christina Basco, Philippine Air Force, PAF Public Affairs Office chief, agad silang nagsagawa ng rescue and relief operation gamit ang kanilang PAF Tactical Operations Wing Central,
Ilang air assets ang minobilisa kabilang ang C-130 cargo aircraft para maghatid ng additional rescuers mula sa 505th Search and Rescue Group (SRG), kasama ang Philippine Army (PA) HADR team, ani Col. Basco.
Ilang Black Hawk helicopters din mula sa 205th Tactical Helicopter Wing ang nagsagawa ng rapid damage assessment and needs analysis (RDANA) missions at naghatid ng rescue at medical teams, equipment, and relief goods sa mga lugar na lubhang napinsala.
Sa panig ng Phil. Navy, inihayag ni CDR Jethro Flores Acting Public Affairs Officer, kumikilos na ang kanilang Naval Forces Central na naghatid ng kanilang mga tauhan at nagkasa ng Disaster Response and Rescue Teams kasabay ng paghahanda ng kanilang sea assets para sa possible rescue efforts sa earthquake-affected Area of Responsibility (AOR).
Inihayag naman ni Col. Louie Dema-ala ng Philippine Army, na nasa area na ang kanilang Army Engineers, Search and Rescue teams.
Nabatid na may 158 sundalo mula sa Philippine Army’s 53rd Engineer Brigade ang naka-deploy na at nagsasagawa ng search and rescue missions sa quake-hit Central Visayas Region.
Kasama sa assets na pinakikilos ng Phil. Army ang kanilang mga ambulance, medical transport vehicles at mission-essential equipment para magbigay ng immediate medical care sa mga napinsala.
Nabatid na may limang bangkay na ang nakuha ng Army, habang lima katao ang na-rescue ng SRR Teams bukod sa limang sugatan na kanilang nirespondehan.
Itinalaga ang Army Engineer Rescue Teams sa Medellin, Lapu Lapu, Cebu City, Brgy. Caradio-an, Himamaylan, NOC, Sabang II, Allen, Northern Samar, Kuta Kankabato, San Jose, Tacloban City, at Dingle, Iloilo.
Ayon kay Acting PNP chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang kanilang police units na ayudahan ang local government units sa relief and security operations, lalo na sa hardest hit areas.
“Our personnel on the ground were among the first responders and we assure the people of Cebu that we will extend all the necessary assistance— from securing affected establishments to attending to the needs of the local residents,” ani Nartatez
Inaktibo rin ng PNP ang kanilang Disaster Incident Management Task Groups sa Region 7 at nagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) para maging gabay sa emergency operations.
Inatasan ang mga pulis na pangalagaan ang damaged buildings at critical facilities para maiwasan ang looting at tiyakin ang kaligtasan ng publiko lalo na sa densely populated and commercial areas.
“We are closely monitoring the development on the ground to maximize police assistance in areas where additional manpower, and your PNP is needed,” ani Nartatez.
(JESSE RUIZ)
240 