Kasunod ng lindol sa Cebu DOLE UMAPELA NG MALASAKIT SA EMPLOYERS

UMAPELA ang Department of Labor and Employment o DOLE sa mga employer at kumpanya, na maging maunawain sa kanilang mga manggagawa na naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol sa Cebu.

Ang pakiusap ng ahensya ay kasunod ng napaulat na umano’y labor violations ng ilang BPO companies sa Cebu na pinilit pa rin ang mga empleyado na agad bumalik sa trabaho matapos ang malakas na lindol.

Binigyang-diin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, hindi dapat ituring na pagtanggi o pagsuway ang hindi pagpasok sa trabaho ng mga manggagawa na maaaring patawan ng parusa.

Sa halip, dapat pa nga silang bigyan ng kaukulang tulong bilang bahagi ng corporate social responsibility ng mga kumpanya.

Pinaalalahanan din ng DOLE ang mga manggagawa na unawain ang kalagayan ng kanilang employer at iwasan ang agarang pagrereklamo.

Ayon pa kay Laguesma, mas mainam na dumaan sa maayos na diyalogo upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan na maaaring magdulot ng hidwaan at tensyon sa workplace.

Nitong Huwebes, naghain ng pormal na reklamo ang grupong BPO Industry Employees Network-Cebu sa DOLE Region 7 laban sa ilang BPO firms sa lalawigan.

Ayon sa grupo, may ilang kumpanya na sapilitan pa ring pinagtrabaho ang mga empleyado sa halip na payagan silang mag-evacuate habang mayroon din umanong isinarado pa ang mga exit sa isang bahagi ng gusali.

(JOCELYN DOMENDEN)

38

Related posts

Leave a Comment