RESO SA HOUSE ARREST NI DIGONG APRUB SA SENADO

INAPRUBAHAN ng Senado ang Senate Resolution 144 na nagpapahayag ng Sense of the Senate na humihiling sa International Criminal Court na isailalim na sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte for humanitarian considerations.

Sa botong 15 pabor, tatlong tumutol at dalawa ang nag-abstain, inaprubahan ang resolusyon na iniakda nina Senators Alan Peter Cayetano at Juan Miguel Migz Zubiri.

Kabilang sa mga tumutol sina Senators Bam Aquino, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan habang nag-abstain sina Senate President Tito Sotto at Senador Raffy Tulfo.

Wala naman sa plenaryo ng Senado nang magbotohan sina Senators Chiz Escudero, Pia Cayetano, Lito Lapid at Camille Villar.

Sa pagsusulong ng resolusyon, iginiit ng minority senators na dapat ikonsidera ang edad ng dating Pangulo at ang kasalukuyang nararanasan nitong karamdaman upang igiiit ang house arrest para sa kanya.

Iginiit naman ni Hontiveros na bagama’t mahalaga ang humanitarian consideration sa hustisya, wala naman anyang indikasyon na nagpapabaya ang ICC sa pagbabantay sa kalusugan ng taong nasa kustodiya nila.

Bagama’t iginigiit anya ang humanitarian consideration para sa dating Pangulo, hindi rin maiaalis isipin na ito ay special treatment.

Sa panig naman ni Pangilinan na kasabay ng pagkonsidera sa humanitarian consideration kay dating pangulong Duterte, dapat ding anyang balansehing isipin ang libu-libong namatay at libu-libong nawalan ng ama, ina at anak na humihiling din ng hustisya.

Pambubusabos sa Hustisya

Kaugnay nito, binira ng Makabayan bloc sa Kamara ang resolusyon ng Senado na humihiling sa International Criminal Court (ICC) na ilagay sa house arrest si Duterte imbes na harapin ang paglilitis sa The Hague.

Ayon kina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Co, at Gabriela Rep. Sarah Elago, hindi umano ito “humanitarian gesture” kundi pagtatakip sa libo-libong EJK victims ng drug war.

“Ang resolusyon ng Senado ay malinaw na pagtatakip sa mga krimen ni Duterte. Isang pambubusabos sa hustisya para sa mga pamilya ng biktima,” ani Tinio.

Pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution 144 sa botong 15-3-2, kung saan pabor sina Sens. Migz Zubiri, Imee Marcos, Alan Cayetano, Robin Padilla, Bato dela Rosa, Jinggoy Estrada, Bong Go, Loren Legarda, Mark Villar at iba pa. Giit ng mga pro-Duterte senator, dapat manatili sa bansa ang dating pangulo dahil sa edad at karamdaman.

Pero ayon kay Co, ito’y walang iba kundi political maneuver para iligtas si Duterte at mga kaalyado mula sa “full weight of international justice.”

Dagdag pa ni Elago: “Insulto ito sa mga pamilya ng EJK victims. Kung may awa raw, bakit ang mga maysakit at matatandang political prisoners na walang pera at kapangyarihan, hindi binibigyan ng resolusyon?”

Para sa Makabayan bloc, malinaw ang mensahe: Makapangyarihan pa rin si Duterte, at walang hustisya kung dito lang siya lilitisin.

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

199

Related posts

Leave a Comment