PINAIIMBESTIGAHAN ni Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR) chief Police Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay ang pagpapasabog ng granada sa Bacolod City noong Martes ng madaling araw.
Kasabay nito, inatasan ni Ibay ang Bacolod City Police Office (BCPO) na paigtingin ang kanilang intelligence at police visibility operations sa tulong ng mga lokal na opisyal at iba pang law enforcement agencies upang agad maresolba ang kaso.
Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang riding-in-tandem suspects ang naghagis ng granada sa isang garahe bandang alas-2:30 ng madaling araw sa Bangga Salgado, Purok Villa, Barangay Tangub, Bacolod City. Nasira ang ilang nakaparadang sasakyan dahil sa pagsabog.
Narekober pa ng mga awtoridad ang dalawang hindi sumabog na granada mula sa lugar, na ngayon ay nasa pangangalaga ng Bacolod City Explosives and Canine Unit (CECU) para sa tamang disposal.
(JESSE RUIZ)
75
