TULFO, KINONDENA MGA NEGOSYANTENG LUMALABAG SA PRICE FREEZE; DTI HINIMOK MAGSAGAWA NG ON-SITE INSPECTION

KINONDENA ni Senador Erwin Tulfo ang mga mapang-abusong negosyanteng lumalabag sa price freeze na pinaiiral ng Department of Trade and Industry (DTI) hanggang Mayo 10, upang magsilbing proteksyon ng mga mamimili sa gitna ng tensyon sa Middle East.

Napuna ni Tulfo na tila naging kampante ang ilang negosyante na magtaas ng presyo kahit may price freeze dahil sa paniniwalang hindi maaabot ng monitoring ng gobyerno ang mga lokal na pamilihan, lalo na ang maliliit na pwesto.

“Iniisip siguro ng ilang negosyante, maliit lang ang pwesto ko sa palengke at hindi naman nakakarating ang gobyerno rito para mag-monitor, kaya pwede kong itaas ang presyo ng paninda ko,” pahayag ng Senador.

Binigyang-diin niya na ang mga karaniwang Pilipino na umaasa sa mga lokal na tindahan para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ang pinaka-apektado rito. Aniya, “Ang ating mga mamimili ang laging dehado rito. Wala silang choice kundi pagkasyahin ang kakarampot na budget dahil ang mga lokal na palengke at groceries lang ang pinakamalapit na bilihan para sa kanila.”

Hinamon ni Tulfo ang DTI na huwag lang umasa sa mga isinumiteng ulat kundi magsagawa ng aktwal na on-ground inspection upang matiyak ang mahigpit na pagsunod sa batas.

“Pakinggan natin ang hinaing ng ating mga kababayan. Isang tingin lang sa social media, makikita niyo na agad ang reklamo ng publiko na hindi naman sinusunod ang price freeze sa maraming lugar. Ano pa ang pumipigil sa inyo na personal na bisitahin at suriin ang mga pwestong ito?” tanong ng mambabatas.

Sa kanyang paggiit sa kahalagahan ng price control para protektahan ang publiko, idinagdag ng senador na ang price freeze ay dapat na katuwang ng iba pang hakbang ng gobyerno sa gitna ng nararanasang krisis. “Magbigay man tayo ng ayuda, kung hinahayaan naman nating manipulahin ang presyo ng bilihin, mawawalan din ng saysay ang tulong na ito,” aniya pa.

Ang mga lalabag sa price freeze ay maaaring humarap sa mga kasong administratibo, multa, o pagkakakulong, depende sa bigat ng kanilang paglabag.

70

Related posts

Leave a Comment