HINIMOK ni House Committee on Transportation Chair at Quezon City Representative Franz Pumaren ang mga regulator na unahin muna ang mga tulong ng gobyerno bago aprubahan ang anumang taas-pasahe sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ginanap na Saturday News Forum, iginiit ni Pumaren na dapat maging maingat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil parehong apektado ang mga operator at commuter.
Sa kasalukuyan, may mga petisyon na nakahain sa LTFRB para itaas ang minimum na pamasahe sa jeep hanggang P25.
Gayunman, sinabi ni Pumaren na dapat munang sulitin ang umiiral na interventions ng pamahalaan.
“Sa ngayon na ginagawa natin meron tayong fuel subsidy, may discounted fuel, meron ding per-kilometer na binibigay sa operators at drivers ng jeepney at bus, at may 20% discount pa. I think we can bank on that first,” ani Pumaren.
Binigyang-diin pa niya na kailangang timbangin kung kakayanin ng mga commuter ang dagdag-pasahe, dahil maaari itong magdulot ng domino effect sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
(TINA MENDOZA)
110 