NITONG Linggo pinagbawalan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang lahat ng aircraft na lumipad nang direkta sa ibabaw ng Mayon Volcano sa gitna ng eruptive activity na ipinamamalas nito.
Sa inilabas na Notice to Airmen ng CAAP, walang eroplano ang pinapayagang lumipad mula ground level hanggang 11,000 feet mula sa tuktok ng Mayon Volcano, lalo na sa loob ng ipinaiiral na six-kilometer radius danger zone.
“This precautionary measure is being enforced due to the potential hazards posed by volcanic ash, airborne particles, and sudden volcanic activity, which may affect aircraft engines, navigation systems, and overall flight safety,” ayon sa ahensya.
“All airline operators, pilots, dispatchers, and aviation stakeholders are advised to closely coordinate with Air Traffic Services and monitor official updates before operating in affected areas,” dagdag pa ng CAAP.
Nabatid na nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng sunod-sunod na pag-agos ng pyroclastic density currents (PDCs) o uson sa Bulkang Mayon mula noong Sabado hanggang Linggo partikular sa Mi-isi Gully sa southwestern slopes.
Dahilan para maapektuhan ng ash fall ang 52 barangay ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, nagsimula ang serye ng aktibidad bandang alas-4:28 ng hapon, Mayo 2, nang magkaroon ng lava effusion sa summit na nagdulot ng collapse at nag-generate ng pinakamalaking PDCs mula nang itaas sa Alert Level 3 ang Mayon.
Tinatayang umabot sa 4 kilometro ang haba ng inilabas na uson, na nagdulot ng makapal na abo sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Daraga, at Legazpi City.
Sa loob ng 24-oras, naitala ang 25 volcanic tremors, 284 rockfall events, at 14 PDC signals, habang umabot sa 1,586 tonelada kada araw ang Sulfur Dioxide (SO₂) flux habang dumadaloy ang lava sa Basud, Bonga, at Mi-isi gullies.
Dahil sa ashfall, pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay, gumamit ng protective masks, at tiyaking nakatakip ang pagkain at tubig upang maiwasan ang kontaminasyon.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6 km Permanent Danger Zone (PDZ) habang nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.
Patuloy ang koordinasyon ng OCD, PHIVOLCS, at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.
Nakaantabay na rin ang disaster response teams para sa posibleng paglikas kung lalala pa ang aktibidad ng bulkan. (JESSE RUIZ)
74 