PINURI at pinasalamatan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “Atin Ito” Coalition kaugnay ng isinagawa nitong civilian-led mission sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea na si Navy Reservist retired Rear Admiral Roy Vincent T. Trinidad, kinikilala ng militar ang naging matagumpay at matapang na paglalayag ng grupo patungong Pag-asa Island.
“The Armed Forces of the Philippines (AFP) extends its heartfelt commendations to the ‘Atin Ito’ Coalition for their successful and courageous civilian-led mission to Pag-asa Island,” ani Trinidad.
Sinabi ng opisyal na ang pagwawagayway ng watawat ng Pilipinas sa Sandy Cay ay patunay ng matatag na diwa ng sambayanang Pilipino.
Aniya, hindi lamang ito simbolikong hakbang kundi isang malinaw na pagpapakita ng soberanong karapatan ng bansa at aktibong pagkamakabayan sa gitna ng umiinit na tensyon sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin din ni Trinidad na ang mapayapang pag-assert ng presensya ng bansa sa WPS ay nagpapalakas sa tinig ng mga mangingisda at lokal na komunidad.
Dagdag pa niya, mahalaga ang West Philippine Sea hindi lamang bilang strategic territory kundi bilang bahagi ng pambansang pamana at pinagkukunan ng kabuhayan.
Tiniyak naman ng AFP na mananatili itong tapat sa mandato nitong ipagtanggol ang teritoryo ng bansa at suportahan ang mga mapayapang inisyatiba alinsunod sa batas, kabilang ang 2016 Arbitral Award.
“Kaisa kami ng bawat Pilipinong buong tapang na ipinaglalaban ang nararapat na atin. Ang inyong katapangan ay nagbibigay-inspirasyon sa amin upang manatiling matatag sa aming tungkulin,” dagdag pa ni Trinidad.
(JESSE RUIZ)
71 