AFP, US FORCES MAGSASAGAWA NG LIVE FIRE EXERCISE SA LUZON

KASUNOD ng deployment ng US Marine Corps ng kanilang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS), isang makabagong land-based anti-ship missile system ang nakibahagi sa joint Balikatan 41-2026 “Maritime Key Terrain Security Operations” (MKTSO) na layuning palakasin ang kakayahan ng Pilipinas at US na depensahan ang mga estratehikong karagatan sa bansa.

Nakatakda namang magsagawa ngayong Lunes Mayo 4, 2026, ng Counter-Landing Live Fire Exercise North ang mga sundalong kasali sa nagaganap na joint Balikatan 41-2026 sa La Paz Sand Dunes, Laoag City, sa Ilocos Norte.

Bahagi ito ng mas malawak na Balikatan Exercises na layong subukin ang kahandaan ng Pilipinas at mga kaalyadong bansa sa pangunguna ng United States kasama ang Australia, Japan, Canada, France, at New Zealand, sa pagtatanggol sa mga baybayin laban sa mga dayuhang banta.

Sinasabing isa ito sa “distinguished visitors’ events” ng Balikatan 2026, kung saan ipamamalas ang koordinadong pag-atake gamit ang iba’t ibang kagamitang pandigma.

Samantala, sa susunod na araw ng Miyerkoles, isang malaking Maritime Strike event (live-fire drills) ang isasagawa sa baybayin ng Paoay, Ilocos Norte. Itatampok rito ang isang ship-sinking drill kung saan gagamit ang mga tropang Pilipino at Amerikano (kasama ang Japan) ng iba’t ibang armas upang palubugin ang isang “target vessel” sa dagat.

Layon nitong subukin ang kakayahan ng magkasanib na pwersa sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa, partikular na ang pagpigil sa anomang banta mula sa karagatan gamit ang advanced na system at platforms tulad ng land-based missiles at air assets.

Walang inilabas na kumpirmasyong kung gagamit o magde-deploy pa ng karagdagang military assets sa lugar para sa partikular na bahaging ito ng pagsasanay.

Ang maritime strike sa Paoay ay isa lamang sa mga serye ng pagsasanay na tumatakbo mula Abril 20 hanggang Mayo 8, 2026, na kinabibilangan ng mahigit 17,000 tropa mula sa iba’t ibang bansa.

Bukod sa Paoay, nagsagawa rin ng hiwalay na maritime strike drills sa iba pang bahagi ng bansa gaya ng Itbayat, Batanes.

Idineploy ng US Marine Corps ang Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS) sa Balikatan Exercise 2026 sa Basco, Batanes na nakibahagi sa “Maritime Key Terrain Security Operations” (MKTSO).

Ang mga NMESIS launcher ay dinala sa mga lugar sa Northern Luzon, kabilang ang Batanes Group of Islands, tulad ng Itbayat at Basco, na malapit sa Bashi Channel.

Ito ay kayang mag-target ng mga barko ng kalaban mula sa lupa, na nagbibigay ng mataas na antas ng sea denial sa strategic chokepoints.

Ang sistema nito ay air-mobile, ibig sabihin, kaya itong isakay sa mga C-130 Hercules transport aircraft para sa mabilis na pag-deploy sa iba’t ibang isla, na unang dinala sa bansa noong nakaraang Balikatan 2025.

(JESSE RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment