CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMING Pilipino ang nangangailangan ng tulong ngayong panahon ng krisis, ngunit konting haplos lang ang ipinadarama ng gobyerno para maibsan ang pasanin nila sa araw-araw.
May nagsusulong na suspendihin ang excise tax sa diesel at gasolina, at ang pagpapababa ng VAT mula 12 percent papuntang 10 percent.
Magandang hakbang ito na makakapitan ng ordinaryong mamamayan na gulping-gulpi na ng pagtaas ng presyo ng bilihin, kuryente at produktong petrolyo.
Mula sa 10 percent ay itinaas ang VAT sa 12% sa ilalim ng Expanded VAT Law (2005) na akda ni Ralph Recto.
Ang resulta: tumaas ang gastusin dahil direkta itong ipinapasa sa mga konsyumer. Bumigat ang kinakarga ng mga tao sa gastos sa pagkain, kuryente, petrolyo at iba pang pangangailangan.
Tinutukuran ng taumbayan ang itinutulak ng mga mambabatas na ibalik sa 10 porsyento ang VAT.
Pero maraming humaharang dahil malaki raw ang mawawala sa kaban ng bayan at lalong lalaki ang utang.
‘Yang katwiran na ganyan ay maaaring tanggapin ngunit hindi sa panahong lipos na ng kahirapan.
Heto nga at hindi pa tapos ang bangayan sa pagitan ni US Pres. Donald Trump at ng pamahalaan ng Iran kaya malabo ring magwakas ang kagipitan ng Pinoy.
Hindi lamang diplomasya ang nakataya sa alitan kundi pati ang kabuhayan ng milyun-milyong ordinaryong mamamayan sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.
Ang pagtanggi ng Pangulo ng U.S. sa panukala ng Iran ay malinaw na senyales na nananatiling malayo ang dalawang panig sa kompromiso. Sa kabilang banda, ang pahayag ni Iranian Foreign Minister Abbas Arach na bukas sila sa diplomasya ngunit handang lumaban ay lalo lamang nagpapakita ng delikadong balanse. Isang maling galaw, at maaaring sumiklab ang mas malawak na sigalot.
Bakit tayo dapat mangamba? Dahil sa langis.
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang daanan ng suplay ng langis sa mundo, ay nananatiling sentro ng tensyon. Kapag ito ay naantala o isinara dahil sa hidwaan, agad itong magtutulak pataas sa presyo ng petrolyo.
Sa isang bansang tulad ng Pilipinas na umaasa sa imported na langis, bawat galaw sa Gitnang Silangan ay may direktang epekto sa bulsa ng mamamayan. Hindi natin kontrolado ang desisyon ng Washington o Tehran, ngunit tayo ang sumasalo ng epekto.
Dagdag pa rito ang lumalalang tensyon ng U.S. sa mga kaalyado nito, gaya ng Germany. Ang pag-withdraw ng tropa ng Amerika at alitan kay German Chancellor Friedrich Merz ay nagpapakita ng mas malawak na instability sa global alliances. Kapag nagkawatak-watak ang mga dating magkakampi, lalong nagiging unpredictable ang galaw ng geopolitics at mas nagiging marupok ang pandaigdigang ekonomiya.
Hanggang kailan nga ba tayo mananatiling hostage ng ganitong mga tensyon?
Hindi sapat ang umasa lamang sa diplomasya ng malalaking bansa. Dapat ding paghandaan ng mga gobyerno—kabilang ang atin—ang pangmatagalang solusyon, tulad ng energy independence, mas matibay na lokal na produksyon, at konkretong proteksyon para sa mamamayan laban sa biglaang pagtaas ng presyo.
Iyon nga lang, itong VAT nga na inilalambing para maibsan ang bigat na pasanin ng taumbayan ay walang katiyakan, asa pa ba?
53 