GRUPONG ANTI-MARCOS ‘INISMOL’ NG MALAKANYANG

NAPAKALIIT lamang umano ng grupo na humihiling na magbitiw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa puwesto, ayon kay Acting Presidential Communications Office (PCO) Chief Dave Gomez.

Sinabi niya na malamang ay bunga lamang ito ng pilit na isinasangkot ang Pangulo sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control corruption scandal.

“Napakaliit ng grupo nitong gustong pababain ang Pangulo,” ani Gomez. Dagdag pa niya, “Hindi ba obvious ‘yung mga gustong magpapaba ay ‘yung mga tatamaan?” Binanggit din niya na mahigpit na minomonitor ng gobyerno ang mga personalidad na may layuning guluhin ang pamahalaan, at hindi dapat pabayaan ang anumang destabilization effort.

Binasura rin ni Gomez ang serye ng video ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa social media na nagdadawit sa Pangulo sa flood control mess. “Sabi ni BBM, he will not even dignify the accusations dahil napakaraming loopholes nung script. Katawa-tawa… Hindi namin ito pinapansin,” aniya. Kinuwestiyon din ni Gomez ang alegasyon ni Co na nagsingit ang Pangulo ng P100 billion sa 2025 budget sa bicameral conference, imbes na isama sa National Expenditures Program. “Pwede naman niyang gawin from the very start,” dagdag niya.

Hinamon ni Gomez si Co na bumalik ng Pilipinas at isiwalat ang lahat ng nalalaman niya under oath sa tamang judicial authorities. Ipinaalala rin niya na ang Pangulo mismo ang unang nagsiwalat ng flood control mess sa kanyang State of the Nation Address ngayong taon, at kalaunan ay inilabas ang listahan ng 15 contractors na nakakuha ng P100 billion na proyekto sa loob ng higit tatlong taon.

Bukod dito, idinagdag ni Gomez na isinagawa ng Malakanyang ang mga hakbang upang matigil ang katiwalian: paglunsad ng Sumbong sa Pangulo website, reshuffling ng Philippine Contractors Accreditation Board, suspensyon ng lisensiya ng mga sangkot na kontratista, pagpapalit kay Public Works Secretary Manuel Bonoan, pagbawi ng luxury vehicles ng mag-asawang Discaya, at paglikha ng Independent Commission for Infrastructure. Nangako rin ang Pangulo na makukulong ang mga suspek sa flood control scam bago mag-Pasko at mababawi ang government funds.

(CHRISTIAN DALE)

80

Related posts

Leave a Comment